Tahimik na tahimik dito sa Madamba ngayon. Walang marinig kundi ang sipol ng tren sa malayo na bumibiyak sa katahimikang pinagpipiyestahan ng mga kulisap at palaka.
Madilim na madilim ang Copeland Gynasium. Tanging ang pulang ilaw na nakasindi sa loob nito ang maaaninag.
Habang naglalakad ako, pinapanood ako ng mga hollow blocks, punit-punit na sako ng semento, matutulis na bakal, at iba pang iniwan ng mga trabahador na nagbakasyon ng ilang araw.
Tumayo ako sa tabi ng matayog na puno ng acacia. Humarap sa kadiliman. Ibinaba ng kaunti ang shorts sa harapan at nagsimulang magdilig.
Payapa ang lahat ngayong gabi sa Madamba. Payapa. Payapang-payapa.