Nakaupo ako ngayon sa harap ng lawa ng Sampaloc. Sa malayo, tanaw na tanaw ang tuktok ng Mt. Banahaw. Ang ulap na halos kasing laki nito na kanina pa nakahalik sa kaniya ay unti-unti nang humihiwalay. Malakas ang hanging humahampas sa pahinang ito ng kuwaderno ko, dala ang kaunting ___ tanda na malusog ang lawa. Napakarami nilang mangingisda na dumadalaw dito upang makamingwit ng kahit isa man lang. May isang binatang may dalang patpat. Sa dulo ay nakatusok ang ilang huli niya. Sapat na ito. Katuwaan lang naman ito sa kaniya.
Ang mga mangigisdang may lumulutang na mga bahay sa gitna ng lawa, sila talaga ang mga propesyonal. Kanina pinanuod ko sandali ang isang mamang mukhang mangingisda rin na ikinakabit ang ilang bakanteng gallon ng tubig sa isang mahabang mala-hagdang bakal. Maglagay ka ng ilang ganito sa lawa at lulutang ang kahit na anong ipatong mo rito. Maski nga pusa kombinsido silang hindi sila malulunod. Dito, sumasakay ang mga pusa sa mga balsa at sa mga lumulutang na bahay.
Pagbaba mo sa hagdanpababang lawa, sasalubungin ka ng napakaraming taong nakaupo sa upuang semento. Marami sa kanila ay mga bata—estudyante siguro. Para makahanap ka ng mas tahimik na mauupuan kailangan mong maglakad pa ng aunti sa kaliwa. Dito marami ding mga tindero’t tindera ng pagkain. Ang ilan may puwesto, ang ilan nagbebenta sa kani-kaniyang tricycle.
Paminsan-minsan, may makikita ka ng maninisid. Nakakahalina ang tubig. Para akong hinihele at sakto masarap ang tulog dahil pagod sa paglalakad. Naiinggit tuloy ako sa mga nagpipicnic na may dala-dalang mga higaan. Sa likod ko paminsan-minsang dumaraan ang mga motor at sasakyan. Napaka-eye catching ng simbahan ng mga Iglesia. Pagkatapos ng Mt. Banahaw, ito ang una mong pinakamapapansin.
Manga 3.7 km lawak o haba ng ikot ng lawa. Mala UP Diliman circle ito. May mga matatandang nagkukuwentuhan sa tabi ko. Ang isa may dalang malaking sasakyan. Ang isa electric bike. Nagkukuwentuhan sila tungkol sa mga anak at saki-sakit. Magandang pampagising.