Paano pananatilihing mura ang presyo ng produksyon at, kung gayon, ang presyo ng zine na naaabot pa rin ang aesthetic objectives ng proyekto? May mga colored na larawan sa loob. Colored din ang cover. Challenge ang mga ito.

Taliwas ba sa tradisyon ng zine ang pag-angat ng kalidad ng materyales sa paggawa nito? Kung gagamit ba ako ng mas makapal na papel at mas matibay na ink, burgis na ba ang zine ko?

Sapat bang pambayad-sala ang pagpiling i-self-publish ang proyektong ito at dumaan sa manual labor ng pagbili ng materyales, pagpapaprint, pagbind (na ginawa ko mag-isa kahapon dahil walang stapler sa pinagpa-printan ko—binutas ang kumpol ng mga papel gamit ang pushpin tsaka isinuot ang staple at niyuko), at pagship ng mga oder?

At hindi dito nagtatapos ang mga tanong.

Dahil collab work ito, paano ang hatian ng presyo? Sino ang gagastos sa produksyon? Sino ang tatanggap ng mga bayad? Anong mangyayari sa kita? Ibabalik ba ito sa produksyon o impambibili ng Vietnamese coffee? Magkano ba in the first place ang kikitain dito? P150 ang zine at sampo palang ang bumili. Maghapon na akong umiikot pero mahigit sanglibo lang ang kinita namin. At ibabawas pa rito ang expenses. At paghahatian pa ang natira. At hindi ko ito gagawin kung hindi dahil sa pag-ibig sa paglalakad, sa katotohanan, sa pananampalataya sa mga bagay na lumalabas sa pagitan ng dalawa kong tainga, at sa pagnanasang mabigyang boses ang mga isyung may pake ako. At putang ina sino ba tong kumakatok?


Noong tinanong ko siya kung ano ‘yon, hindi siya makatitig ng diretso sa’kin. Humingi siya ng pasensya sa istorbo tsaka sinabi ang pakay. Mga kapit-bahay kong Mormon pala talaga ang sadya niya at pinupuntahan raw siya ng mga ito sa inuupahan nilang bahay sa Arayat. Pero wala ang mga elders kaya naglakas-loob na lang daw siyang kumatok sa pinto namin.

Nagdadialysis raw ang kaniyang ina. Kumalat na sa baga niya ang dumi gawa ng dami ng iniinom niyang gamot at paliban-liban niyang dialysis. Mabagal raw kasi ang dating ng tulong mula sa DSWD at kulang ito. Wala siyang trabaho kaya ang paglilibot lang raw ang maitutulong niya sa kaniyang ina. Ilang taon na ba ang nanay mo? tanong ko. 44 raw. Bata pa, kako.

Nagpaalam akong umakyat sandali para kumuha ng iaabot. Pagkaabot ko kay Jayson, agad siyang lumapit kaya inakbayan ko siya. Magingat ka sa pag-uwi at sana matuloy na ang dialysis ng nanay mo, ang sabi ko sa kaniya.

Pagbalik ko sa kwarto, nahiga ako sa kama at tumitig sa kisame. Naalala ko si Mama na magsesenior na in two years.

Bigla kong narealize na naibigay ko pala lahat kay Jayson ang kikitain ko sa zine. At higit pa.