Nakayuko akong naglalakad nang makita ko
ang nakataob na salagubang
sa gitna ng daan.

Pinulot ko ito at inilipat sa damuhan na ang pagkaberde’y tila natutuwa
at may nailigtas akong buhay.

Tumalikod ako’t
bumalik sa daan
nang biglang
may narinig akong napisa.

Doon sa ilalalim ng swelas
ng pudpod kong tsinelas
nakadikit ang suso’t talukap nitong wasak na wasak.