Noong sinulat ko ang karamihan ng mga sumusunod na pahina, tumira ako mag-isa sa kagubatan, isang milya ang layo sa sinumang kapit-bahay, sa isang bahay na itinayo ko mismo sa pampang ng lawa ng Walden, sa Concord, Massachusetts, kung saan naghanap-buhay ako gamit lamang ang aking mga kamay. Tumira ako doon ng dalawang taon at dalawang buwan. Ngayon, isa na uli akong naninirahan sa sibilisadong buhay.
Ayoko sanang gambalain ang mga mambabasa ko hinggil sa mga nangyari sa akin kung hindi ako tinanong ng mga taong bayan tungkol sa paraan ko ng pamumuhay, na tinatawag ng ilan na hindi makabuluhan, kahit sa akin ay hindi naman, kundi, kung isasa-alangalang ang mga kalagayan, ay napaka natural at makabuluhan. Tinanong ng ilan kung ano ang kinakain ko; kung hindi ba ako nalungkot; kung hindi ba ako natakot; at mga katulad nito. Interesadong malaman ng iba kung Ilang bahagi ng kinita ko ang inilaan ko sa pagkakawanggawa; at ang ilan, na may mga malalaking pamilya, ay interesado kung ilang pobre bata ang inalagaan ko. Sa mga mambabasa kong hindi interesado sa akin, humihingi ako ng paumanhin kung sasagutin ko ang mga tanong na ito sa librong ito. Sa karamihan ng mga libro, ang “ako,” o ang unang panauhan, ay inalis; dito pinanatili ito; ito, may patungkol sa egotismo, ang pangunahing pagkakaiba. Hindi natin kariniwang naaalala na, kung tutuusin, ang unang panauhan naman talaga ang parating nagsasalita. Hindi sana ako magsasalita tungkol sa sarili ko kung may iba pa akong mas higit na kilala. Sa kasamaang palad, nakakulong ako sa paksang ito dahil sa kakitiran ng aking karanasan. Bukod diyan, hinihingi ko sa bawat manunulat, sa lahat ng pagkakataon, na magbigay ng simple at matapat na salaysay ng kaniyang sariling buhay, at hindi lamang kung ano ang narinig niya tungkol sa buhay ng ibang tao; iyong salaysay na Ipapadala niya sa mga kamag-anak niyang nasa malayong lupain; dahil kung nabuhay siya ng matapat, tiyak na malayo siya sa akin. Siguro ang mga pahinang ito ay isinulat partikular na sa mga mahihirap na estudyante. Sa nalalabi kong mga mambabasa, tatanggapin nila kung ano ang aakma sa kanila. Umaasa akong walang hihila sa dulo ng amerikana kapag isinusuot niya ito,