Ang buhay namin dito sa’ming ili ay parang isang sayaw na tumutulad sa mga alon sa dagat.
Sa umaga, ipinagluluto kami ni Inay ng masusustansiyang gulay na inihahain niya sa mga palayok na siya rin ang humulma.
Sama-sama kaming uupo at sabay-sabay na hihigop ng mainit na kapeng dahan-dahan naming padadaluyin sa’ming mga sikmura.
Pagkatapos kumain, lalabas kami sa ilalim ng puno ng acacia, pagmamasdan ang mga ibong ngayon lang namin nakita tsaka pipikit para pakiramdaman ang mga dahong ngayon lang namin mahahawakan.
Ang iba sa ami’y sa mga bulaklak mahahalina, pipitas ng ilan, at babalik sa bahay para ayusin sa mga plorera ni nanay. Samantalang ang iba sami’y nagdidibuho o nagpipinta gamit ang mga kulay na galing sa mga halaman at gulay.
Kapag kami’y napagod, tatawagin kami ni Itay para magmeryenda muna’y maupo sa banig.
Doon uupo rin siya’t magsisimulang tumula ng mga tulang lipos ng pag-asa’t nagpapauwi sa amin sa’ming mga sarili.
Sa hapon, pagkatapos mananghalian, bubuksan ni Itay ang TV at manonood kaming magkakasama ng pelikulang magpapa-alala sa’min na kahit saan man kami dalhin ng agos ng buhay, uuwi’t-uuwi kami.
Pagkatapos ng pelikula, papasok si Nanay bitbit ang tray ng mainit na tsaa. Ibubuhos niya ang tsaa sa aming mga baso at sabay-sabay naming iinumin ito habang nagpapasalamat sa lahat ng kamalayan at kamay na gumawa nito.
At kapag nag-aagawan na ang liwanag at dilim, isusuot namin ang pinaka-presko naming mga damit at paborito naming tsinelas tsaka lalabas ng magkakasama’t maglalakad patungo sa isang malayong parang. Panonoorin namin si Itay habang bitbit ang kamera, hihinga bago kunin ang larawan at maghuhuli ng mga ala-ala.
Sa aming pagbalik, nakaupo na si Inay. Nakahanda na ang hapunan, nakasindi na ang mabangong kandila’t tumutugtog na ang mapanghalinang musika. Kami’y uupo’t magtatawanan, magkakantahan, makikinig sa kasaysayang sabay-sabay naming isusulat sa mga puso hanggang doon na tatahan ang iling aming inibig at iibigin magpakailan man.