Aakalain mong may nagdadabog sa paghampas ng mga sirang pinto sa bahay. Pinapagalaw sila mag-isa ng hangin. Bumubukas tapos sasara tapos bubukas ulit. Tapos, sasara. Ikinandado ko na lahat ng bintana, pero malakas pa rin ang hanging nakakasingit sa mga gilid ng pinto at iba pang butas na hindi ko na makita. May kalumaan na rin ang bahay na ito. Maraming sulok ang hindi ko nauunawaan. Mabuti hindi nabaha. Mabuti hindi nawalan ng kuryente’t tubig. Mabuti nakauwi kahapon kahit halos ayaw bumyahe ng mga jeep na pipitong pasahero lang ang laman.
Kagabi, sa gitna ng buhos ng ulan, habang inaantay bumaba sa bituka ang hapunan, may dumaang magbabalot. Naglalakad. Sige sa pagsigaw. Parang mas malakas kaysa dati. Parang sigaw ng taong handang maglakad sa ulan magdamag. Parang sigaw ng taong ayaw umuwi. O walang uuwian. O kailangang may dala pag-uwi.
Taimtim kong pinakinggan ang bawat pagpunit ng boses niya sa nakasusuyang tagagtak ng ulan sa bubong.