Artificial falls

Makikita ng mga tao ‘to at sasabihin nilang Falls!

Pero hindi ito falls. Tubig lang ito na nahuhulog mula sa kalsada at dumadausdos sa malalaking bato sa ibaba. Mala-falls, pero hindi talaga falls.

Natetempt tuloy akong tawagin siyang False.

Nakita ko ang anino ko sa umaagos na tubig habang tinatawid ko ang kalsada. Tumigil ako upang piktyuran siya.

Shadow

Mukhang artipisyal ang falls na ‘to, pero ang tubig nito ay tubig ng Bumbungan River. Hindi ko alam saan eksakto nanggagaling ang tubig sa ilog na’to, pero sa mapa, dinaraanan nito ang ilang barangay ng Cavinti. May twin falls pa nga na Bumbungan rin ang pangalan! Ang mga ito talaga ang tunay na mga falls. Pero hindi ata sila masyadong kilala dahil wala sila sa Google maps.

Sigurado akong galing sa bulubundukin ng probinsya ng Quezon ang tubig ng Bumbungan River. Napakalayo ng tinawid ng tubig na ito para lamang umagos sa kinatatayuan ko at hugasan ang mga libag ko sa paa. Tapos, magniniig sila ng mga tubig ng Cavinti River at sabay bubulusok sa mga talon ng Pagsanjan at Naculo kung saan sila pagpipiyestahan ng mga tao.

Ay, ‘wag naman sana nilang malunok ang pinaghugasan ko.

Bumbungan river

Pagkatapos kong maghugas, iniwan ko na ang False at sinundan ang kalmadong agos ng tubig na nagsususuot sa gahiganteng mga bato sa gilid at gitna ng ilog.

Hinulog ba ng mga trak ang mga batong ito? O nandito na sila noon pa? Mukhang taga dito talaga sila pero sinimento sila sa gilid ng bangin para maiwasan ang pagguho ng lupa kapag malakas ang ulan.

Habang mas lumalayo ako sa False, mas nagiging tahimik ang ilog. Kamangha-mangha kung paanong ang isang bagay na sobrang ingay at garalgal ay kagyat na nagiging tahimik at kalmado. Pero ‘yan ang tubig—mabilis dumaloy, mabilis mag-iba.

Rocks

Nagpatuloy ako sa paglakad sa tabi ng tahimik na tubig, sa ilalim ng tulay. Pakiramdam ko’y tinitignan ako ng mga taong lulan ng kani-kanilang sasakyan mula sa itaas. Para akong  hayop na nakatira sa natural kong tirahan at pinagmamasdan ng mga turista. Nagtago ako sa anino ng tulay nang hindi ako makita.

Tumango ako at nakita ang usok na nanggagaling mula sa kung saan. Hindi naman ito amoy inihaw. Siguro’y may nagsisiga lang. Pero bakit hindi ko rin naaamoy ang siga? Dinadalisay ba ng halipawpay ng ilog ang usok?

Nagsasalamin ang araw sa tubig. Kumikislap ang ilaw tulad ng patay-sinding bombilya.

Habang nagpatuloy ako sa paglalakad, nagsimulang kumipot ang ilog at mas dumami ang mga bato. Dito nagliliparan ang maiitim na tutubi na may bughaw at berdeng batik. Kakaiba ang kanilang itsura. Para silang mga paru-paro. Mabagal pumagaspas ang kanilang mga pakpak. Parang mas mabigat ang mga ito kaysa kanilang katawan. Mga gamu-gamo silang mahahaba ang mga buntot.

Mayroon ding mga pulang tutubi—mga karayom ng diyablo! Kumikinang ang kanilang pagka-pula sa ilalim ng araw. Pinagmasdan ko ang isa habang nakakapit sa isang sanga ng kalbong halamang hindi ko kilala.

Pagkatapos ng kaunti pang paglalakad nagsimulang maging maingay muli ang tubig. Huh, falls ulit. Pero ngayon totoo na talaga siya. Hindi na semento ang dinadaluyan ng tubig. Mga batong kasinlaki ko na.

May nag-iisang halamang umusbong sa maliit na butas sa bato kung saan ako tumayo. Saan siya nanggaling? Saan siya patungo?

Hmmm.

Parang tanong ko rin yan sa sarili ko ah.

Sprouting plant from the rocks