Nakaupo ka sa bakal na upuan sa balkonahe nina lolo at lola, kalong-kalong mo ako. Pareho tayong nakasuot ng sumbrero. Parehong nakatsinelas. Parehong nakat-shirt. Pero nakashorts ka habang nakapajama naman ako. Payat na payat ka pa nito. Wala ka pang mga kunot sa noo. Napaka-aliwalas pa ng batang-bata mong mukha. Wala pa ata akong tatlong taong gulang dito kaya nasa 20s ka palang. Nabubuhay ka pa sa 90s, panahon ng dynasty ni Michael Jordan at ng Chicago Bulls. Wala pang cellphone noong mga panahong ito. Wala pang internet. Tinatawagan mo ang mga kapatid mo sa abroad gamit ang long-distance landline phone. Napakadalang ng tawagan at maikli lang dahil mahal ang bill. Madalas pa kayong magsulatan sa isa’t-isa dahil mas maraming masasabi sa mga liham.
Sa larawang ito sabay nating hinaharap ang umaga. Hindi pa natin alam ang mga pagsubok na ating susuungin. Hindi pa natin nabibigkas ang mga salitang makasasakit sa bawat isa. Hindi pa natin naiisip ang mga balak na tuluyang maglalayo sa atin sa isa’t-isa.
Sa larawang ito, malamig ang umaga, makapal ang hamog sa labas noong ginising mo ako sa aking kama, binuhat pababa ng hagdan papunta sa labas at sa balkonahe nina lolo at lola. Dito ako unang nagkamalay sa pag-ibig mong hinding-hindi nagbago sa paglipas ng mga taon.