Ang tula ay pahinga
Isang mahabang tulog pagkatapos ng maghapong paglalaba
Ng mga namantsyahang pangarap

Isang taimtim na panalangin
Pagkatapos ng buong araw na pagtatampisaw
Sa lungkot, takot, at pighati

Ang tula ay paghinga
Sa dulo ng walang-katapusang paggapang
Sa pagitan ng mga dumi, bato, at guano
Na pumapagitan sa lagusan at ginto

Isang marahang pagdampi ng ulo
Sa balikat ng sinisinta
Habang hinihintay ang susunod na istasyon ng bus

Ang pagsulat ng tula
Ay pagpapahinga
Isang maikling kamatayan
Sa gitna ng ating mga araw

Pagka’t ang hindi tumitigil
At hindi pa namamatay
Ay hindi pa tunay na nabubuhay
At sa buhay nagaantay

Ang pagsulat ng tula
Ay paghinga
Isang muling pagkabuhay
Pagkatapos ng maikling pakikipagniig
Sa abo