Nililinisan ng magsasaka ang bukid
gamit ang baga sa dulo
ng salubsob na hawak niya.

Hahalikan ng baga ang dulo
ng mga pinagputolan ng palay,
mga dayaming hindi na nabunot.

Hanggang magliyab
ang buong bukid na babalutin
ng sumasayaw na usok.

Aawit na niyan ang amihan
na hihihip at dahan-dahang
papatay sa sunog.

Sa pagkawala ng apoy
mamamaalam ang usok na tatawid
sa alog na ito papunta sa sitiong iyon.

At sa pagdating ng dilim,
pagkauwi ng magsasaka
ang lupa ay muling mag-iisa.

Sa kalaliman ng gabi pagkaubos ng dapog
ang dating ginintuang bukid
ngayo’y mga guhit nalang ng abo.

Ganito nangungumpisal ang magsasaka
sa lupang sinaktan niya at muling sasaktan
pagkagising niya mula sa himbing.


Isinalin mula sa Pangasinan: perdonam iray dumaralos