Naglalakad ako sa harapan ng Bahay ng Alumni sa UP Diliman. Tulad ng ordinaryong pedestrian, sa sidewalk ako tumatapak.
Hindi ko maalala kung lalaki siya o babae pero sa sandaling iyon makakasalubong ko siya. Malaki ang aking katawan at malayo palang siya naging malinaw sa’kin na hindi kami magkakasiya sa sidewalk.
Habang unti-unti kaming pinaglalapit ng aming mga yapak, nagsimulang maglaro ang aking isip.
“Ako ba ang gigilid o bababa sa sidewalk, o aantayin kong siya ang magkusa?”
“Kung ako ang bababa o gigilid, bakit ako?”
“Kung siya ang bababa o gigilid, bakit siya?”
Umiikot ang mga katanungang ito sa aking isipan hanggang mapagtanto kong lumagpas na pala ang tao. Tumingin ako sa aking mga paa. Nasa sidewalk parin ako at hindi rin ako gumilid.
Dito dumating sa akin ang musa.
Sa sandaling magkakasalubong kami ng tao, may kani-kaniya kaming patutunguhan—ako’y pauwi ng bahay, siya’y maaring papunta sa shopping center. Subalit upang makarating sa kani-kaniyang patutunguhan, mayroon kaming komun na pangangailangan: isang malalakaran. Nagkataong sa kalagayang ito, ang bagay na tingin nami’y kailangan namin (ang sidewalk) ay hindi sapat para sa’ming dalawa.
Sa puntong magkakasalubong kami, may dalawang maaring mangyari:
- Igiit ng bawat isa na siya ang may karapatang maglakad sa makitid na sidewalk, at magaway kami, o
- Magparaya ang isa at ipaubaya nalang ang sidewalk, at maiiwasan ang gulo.
Pinili ng taong nakasalubong ko ang pangalawa at pareho kaming nakarating sa kani-kaniyang patutunguhan ng mapayapa.
Patuloy na naglaro sa aking isipan ang nangyari hanggang makita ko ang pagkakatulad nito sa mas malawak na mundo ng ekonomiya—isang mundo kung saan pinaghahati-hatian ng marami ang iilang yaman.
Mula sa Sidewalk Tungo sa Ekonomiya
Tayo rin ay mistulang naglalakad patungo sa anumang tingin nati’y magdudulot ng kaligayahan at kaginhawaan. Sa ating paglalakbay patungo roon, mayroon tayong mga “pangangailangan” (need). Upang matugunan ang mga ito naghahanap tayo ng “daan” (means) na “sasapat” (satisfy) sa kanila.
Subalit madalas, ang napipili nating “daan” upang matugunan ang ating pangangailangan ay siya ring “daan” na napili ng iba. Ang daang ito ay isa ring uri ng pangangailangan—isang “yaman” (resource). Tulad ng anumang uri ng “yaman,” madalas ito rin ay “may hangganan” (finite, limited) kaya hindi lahat ng nagnanais na gamitin ito ay makakagamit.
May makakagamit at may hindi makakagamit. May mapagbibigyan at may magpaparaya.
Ang hindi pagtanggap at paggalang sa payak na katotohanang ito ang humahantong sa maraming hindi pagkakaunawaan, gulo, karahasan, at digmaan. Iniisip ng marami sa atin na:
- A1: Tunay na kailangang-kailangan ko ang “yaman.”
- A2: Ako ang may karapatan sa “yaman.”
- A3: At dahil ako ang may karapatan sa “yaman,” siya ang dapat magpaubaya upang ako ay mapagbigyan.
Sa tingin ko maraming gulo at karahasan ang maiiwasan kung maiisip lang natin na:
- B1: Baka hindi ko naman talaga kailangan ang “yaman.”
- B2: At dahil hindi ko naman talaga kailangan ang “yaman” baka maari kong isantabi na lamang ang anumang karapatan kong gamitin ito.
- B3: At kapag naisantabi ko na ang aking karapatan, baka naman handa na akong ipaubaya na lamang ang “yaman” sa iba.
Wala akong ibang nakikitang kahahantungan ng ganitong uri ng pag-iisip kundi “kapayapaan” (peace).
Subalit pansinin na hindi maaring maisip ng isa ang B2 at B3 kung hindi niya lubos na tinatanggap ang B1—ang posibilidad na baka hindi naman talaga niya kailangan ang bagay na akala niya’y kailangan niya.
Dito papasok ang kosepto ng “sapat” (enough) na pagtugon sa ating mga pangangailangan.
Ano ang “Sapat”?
Masasabi nating natutugunan ang ating mga pangangailangan ng “sapat” kung ang “dami” (amount) ng yamang tumutugon rito ay:
- Hindi kulang, at
- Hindi labis.
Kung ako’y nagugutom, “sapat” ang aking kinain kung:
- Nabusog ako (at hindi “nagugutom parin”), pero
- Hindi ako “bloated.”
Tantuhin na parehong hindi kaiga-gaya ang resulta kapag kulang at kapag labis ang pagtugon sa isang pangangailangan.
Ang “sapat” na “pagsapat” sa ating mga pangangailangan ang siyang tunay na pugad ng kaligayahan at kaginhawaan.
Tandaan rin na ang “sapat” na pagtugon sa ating pangangailan ay nangangahulugan na “may eksaktong dami ang kasapatan.”
Kung tatlong saging ang “sasapat,” hindi dalawa o apat ang “sapat.”
Kung isang-libong piso ang “sasapat,” hindi limang-daang piso o dalawang-libong piso ang “sapat.”
Ang “sapat” ay may eksaktong bilang.
Magkakaiba tayo ng pangangailan at dami ng pangangailan kaya magkakaiba rin tayo ng “kasapatan”. Subalit, kung sasadyain nating isipin, malalaman natin nang may buong katapatan kung ano talaga ang sapat sa atin.
Bagaman magkakaiba tayo, may mga pagkakatulad sa ating mga pangangailangan bilang tao. At ang simpleng pagbubulay-bulay ay magpapakita na may iilang payak na pangangailangan lang naman talaga tayo. Patuloy tayong mabubuhay at maaari pa tayong mangarap kahit mas kaunti ang “yaman” na ginagamit natin kumpara sa akala natin dati.
Ang “Pagpapaubaya” ay Nagdudulot ng Kapayapaan
Kapag alam natin kung ano ang “sapat,” alam natin kung ano ang kailangan natin at ang hindi natin kailangan (kapwa ang anyo at dami nito). Sa mga bagay na kailangan natin, kumilos tayo upang masapatan sila. Kapag nakuha natin ang “sapat” na “yaman” sa tamang paraan, mayroon tayong karapatan na protektahan ito.
Subalit, sa mga bagay na hindi naman talaga natin kailangan, mga bagay na kapag hindi natin nakuha ay hindi naman magsasapanganib sa ating buhay, maiiwasan ang gulo o karahasan kung isusuko na lamang natin ang anumang paghahabol rito.
Kung hindi mo kailangan, hindi mo kailangang makipag-away para rito.
Kung hindi mo kailangan, ibigay mo na lamang sa iba.
Ang pagtanto ng kung ano ang “sapat” para sa atin ay nagbubunga ng pagkahandang magpaubaya. Ang “pagpapaubaya” ay nangangahulugang ng mapagpakumbabang pagsuko mo ng anumang akala mo ay kailangan mo dahil nakita mong hindi mo pala talaga ito kailangan.
Ang “pagpapaubaya” ay nagdudulot ng “kapayapaan.” At lahat ng ito ay posible dahil nalaman mo kung ano ang tunay na “sapat” para sa’yo.