Sabi ng mga taga Carusocan, kapag tahimik na tahimik at magisa kang naglalakad sa irigasyon sa gabi, makaririnig ka raw ng humihikbing bata. At nakakikilabot na kuskos ng banig.
Inaaaaang!
Inaaaaang!
Nasa’n na kayo?
Labas na kayo diyan sa maisan!
Inaaaaang!
Angtagal ko na kayong hinahanap.
Angtagal ko na kayong hinihintay.
May sugat akong napakalalim.
Napakasakit. Walang tigil!
Ang kirot. Tumutulo ang dugo!
Sinibat ako nang Hapon.
Hindi ko naiwasan.
Nagmakaawa ako. Pero hindi ko naiwasan.
Inang, susunod na po ako sa inyo.
Hindi na ako lalabas ng bahay.
Magpakita lang kayo, Inang!
Kunin niyo na ako. Parang awa niyo na.
Napakalamig dito.
Takot na takot ako, Inang.
Takot na takot ako.