Habang naglalakad pauwi sa Data
pagkatapos bumili
ng lulutuing gulay at karne,
ipininid ko ang payong ko
nang sumalimbay ang isang makapal na ulap
na lumamon sa araw
sa ibabaw nitong maliit na tindahan
sa silong ng mayabong na rambutan,
kung saan lahat ng mga aleng
iniwan na ng kanilang mga inakay
ay namumugad magkakasama
inaalala ang mga panahong lumipas,
habang nagtatanong ang isang ginoong
lulan ng bisikletang nangangalawang
kung nagmura na ba ang kamatis
at ang ulap, sa wakas,
sa likuran ng lahat nitong nagaganap
ay nakadaong na sa tuktok ng Makiling
kung saan ito mananatiling
aali-aligid
ngayong umaga.