Paano ko ba pipigilan ang mabilis na daloy nitong umaga? At bakit ko pipigilan? Hahayaan ko nalang bang lamunin ng alas nwebe y media ang alas nwebe? Bakit ako titigil? Ano ang meron sa pagtigil na wala sa pagpapatuloy? Hindi ba’t ang buong mundo’y masasaklot lamang sa pamamagitan ng pagpapatuloy? Dito? Anong meron dito? Ako? Ang paghinga? Ang pagsiyap ng mga maya? Ito lang ba? Kung ito lang, bakit ako mananatili?
Ang pagtigil ay awa. Awa sa pagod na katawan at kasama. Awa sa estrangherong masasalubong sa makitid na daang iisa lang ang makadaraan. Awa sa mga halaman, hayop, at batang uhaw sa sulyap. Higit sa lahat, awa sa sandaling itong hindi na babalik.
Ang pagsulat ay pagtigil. Pagpigil. Pagpigil sa mabilis na daloy nitong umaga. Pagpigil sa paglamon ng alas diyes sa alas nwebe y media. Hindi na maibabalik ang pagkindat ng mga numero sa telepono. Kaya isusulat ko silang lahat. Awa. Hambal. Itong lahat.