Marami akong naaalala noong ako’y tatlong taong gulang, pero ang isa sa mga ito ay ang puno ng malunggay sa tabi ng bahay namin. Hindi klaro sa’kin kung nag-iisa ito o kung may iba itong kasama. Ang sigurado ako, napakaraming bunga ng malunggay ang pinipitas naming magpipinsan tuwing namumunga ang malunggay. Napakaliit ko pa noon kaya parang napakalaki ng mga malunggay. Nakatingin ako sa itaas habang pinipitas ng mas matangkad kong pinsan ang berde’t mahahabang bunga ng malunggay gamit ang mahabang panungkit. Hindi pa ako kumakain ng gulay noong mga panahong ‘yon kaya marahil hindi ko natikman ay malunggay na aming pinitas. Pero masayang-masaya akong manood sa pagpitas sa mga ito at pamumulot sa kanila kapag nahuhulog sila sa lupa.
Noong lumaki ako, pinalaki rin nina Papa ang bahay kaya inalis nila ang malunggay, pinatay ito, at pinatayuan ng ekstrang kwarto ang lupa kung saan kami namimitas. Patay na ang malunggay na iyon ngunit natutunan ko namang kumain at magluto ng bunga ng malunggay habang lumalaki. Ihinahalo ko ito minsan sa bulanglang. Habang kumakain, paminsan-minsan naaalala ko ang pamimitas naming magpipinsan ng bunga ng malunggay sa bahay namin.