Lumilipat ang mga makata sa Elbi dahil madalas doon sa kaniyang mga parang sa gitna ng kaniyang naglalakihang mga puno kapag ganap ang kabilugan ng buwan naroon ang mga taludtod sumasayaw paikot sa mga saknong na hugis tanaga, minsa’y haiku, minsa’y liriko.
May ilan ring nagkakamabutihan palihim na lumilisan dalawahang magsosolo sa gilid ng mababatong sapa ng Molawin at sa likod ng mga dao nagnanakaw ng halik ang isa bago may makakita kunwaring iilag naman ang isa kahit namumula ang mga pisngi niya.
Pero mas madalas may bigla nalang maglalakad ng marahan paalis sa bilog sasayaw sa himig na siya lamang ang nakaririnig at aawit sa wikang siya lamang ang nakaiintindi nakapikit ang mga mata umiindak malayang-malaya.
Naroon silang lahat sa damuhan lumilitaw sa sinumang bukas at handang mag-antay sa sinumang nanlulumo o natatakot o nagsawa na sa init, at ingay, at usok.
At kapag madadala ka sa tamis ng tugtog at sa halina ng mga salita makalilimutan mong magingat sa panonood sa kanila may makaririnig sa kaluskos ng mga dahong gawa ng iyong mga paa at baka baka lang mapalingon silang lahat sayo nakangiting magsasabi “Sandali lang.”