Mahal na M,
Kamusta ka na? May higit na dalawang linggo na rin simulo noong natapos ang palihan. Naaalala ko pa rin ang mga kuwentuhan natin tungkol sa teatro, mga alagang hayop, at pag-aaral sa ibang bansa. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin maitago ang lungkot ko sa kasalukuyan mong kalagayan. Alam kong baka hindi ka naman nababahala rito pero dalangin ko na sana makahanap ka ng paraan para mas maraming panahon ang mautuon mo sa teatro kaysa sa corporate job mo. Nahihiya kong sabihin noon pero sasabihin ko na ngayon. Tutal binata ka pa naman at walang mga dependents, baka mapapasimple mo ang buhay mo’t makahanap ka ng part-time job na makatutostos ng sapat sa tirahan, pagkain, at iba pang kailangan mo habang pinalalaya ka sa 9–5 job mo sa accounting na sinabi mo ring hindi mo naeenjoy. Ikaw ang pinakaunang nakilala kong tao na litaw na litaw ang pagmamahal sa teatro. Sayang kung hindi ito ang uubos ng buhay mo. Ikaw na rin ang nagsabi, “Wala kang ibang gustong matutunang sining kundi ito.”
Sana sa susunod na pagkikita natin ay sa CCP na, pinanonood ko ang susunong mong dula. At sa mga panahong ‘yon ay fulltime ka na sa teatro at masaya kahit mas kaunti ang kita.
Hanggang dito muna.
Nagmamahal mong kaibigan,
Vince