Ang paraan ng guro
ay hindi
gawa gawa gawa
kundi
gawa pahinga gawa

Parang tibok ng puso
Parang paghingang malalim
Parang maikling lakad sa hapon
Ng ermitanyo sa gitna ng gubat
Magliliwaliw
Kung saan saan makakapunta
Ngunit
Pagsapit ng dilim
Babalik
Babalik sa pinanggalingan
Magpapahinga muna
At hindi magsasabi
Kung kelan ang susunod na lakad
Dito na muna
Sa tabi ng nagbabagang apoy

Dahil ganito tayo magpapatuloy
Ngayong wala na siyang
Naging apoy natin
Sa mga gabing napakalamig

Hingang paloob
Hingang palabas
Ti
Bok
Ti
Bok

Ang siklong nasa bawat
Bagay at nilalang sa kalikasan
Pagsikat, paglubog,
at pagsikat muli ng araw
Pamumukadkad, pagkalanta,
at pagsibol muli ng bagong usbong

Ito ang susunod na aralin
Ng gurong
Maagang lumisan