Buhay na buhay ang mga kalachuchi sa UP. Nagkakandahulog ang mga bulaklak nila, pinamamalamutian ang mga kalsada’t sidewalk at humahalimuyak sa sinumang napapadaan. Para bang humahalik lang sila sa lupa kapag nakita nilang may sumibol nang papalit na sa kanila.
Marami akong nakikita pero pinakatumatak sakin yung nasa loob ng UCCP, ng CSI. Mas malaki ito sa iba, mas mabulaklak. Hindi malayo rito ang dilaw na dilaw na fir tree. Ito ba ang dilaw na puno ng caballero?
Pagkaliko ko sa Narra, napansin ko ang nagkandahulog na mga prutas na mala-sineguelas. Galing sila sa pagkatayog-tayog na mga puno. Ano ang mga punong ito? Napakarami kong hindi kilala sa kalikasan.
Bakit ba ako akit na akit sa paglalakad? Sa paghahanap nitong pakiramdam na hindi madaling maipaliwanag? Katahimikan, kapayapaan. Subalit bagaman naaakit ako, bakit parang ayokong lumalim? Ako ba’y makata lang na naglalakad sa ilalalim ng mga punong ito? Sa tabi ng mababangong bulaklak? At hindi siyentipikong nais malaman ang pangalan—ang pagkalikha sa mga ito? Bakit hindi ko kayang lumalim tulad ni Thoreau?
Siguro dahil nakakulong pa rin ako rito sa paniniwalang wala sa pag-aaral ng kalikasan ang sagot sa paano ba mabuhay. Naniniwala pa rin ako sa mga libro. Subalit, ang pamumuhay ay mas arte kesa sining. Napaka-subjective nito. Kailangan mong subukan. Kailangan mong maranasan at mula sa karanasan mo, doon ka makakahanap ng sagot. Siguro nga hindi general o universal ang mga katotohanang mahahanap mo sa kalikasan, subalit kung ito ang nagpapasaya sayo, bakit hindi?
May maliit na pipit na kumakanta sa tuktok ng maliit na puno pagpasok ko sa Doña Aurora. Kumakanta ito habang papalapit ako at nang tumapat ako sa puno at lumingon sa kaniya, tsaka siya umipot.
Sa dulo ng lakad ko, sa kalye ng Heliconia, may maliit na asong tumatahol sa akin. Nakatali siya sa tapat ng isang maliit na bahay na maakyat lamang gamit ng maliit na hagdan.