Tula ni Alberto Rios Salin ni Vince Imbat

Hindi ka lang labinlima o labindalawa
o labimpitong taong-gulang—
Isang daang mababangis na mga siglo

At labinlimang taong-gulang ka na, dala-dala
Sa bawat paghinga at pagyapak mo

Lahat sila na dumating bago ikaw,
Lahat ng dating ikaw,

Mga ina ng iyong ina,
Mga ama ng iyong ama.

Sa bawat isang suwail,
Isang daan ang hindi:

Hindi nagwawagi ang masama—hindi sa katapusan,
Gaano man sila kaingay.

Kung nagwagi sila,
Wala sana tayo rito ngayon.

Hinulma ka mula sa putik ng kabutihan.
At dahil alam mo ito, hindi ka naglalakad mag-isa.

Ikaw ang nagbabagang balita ng siglo.
Ikaw ang kabutihang naghandog sa kaniyang sarili

Sa bawat pagkakataon, kahit napakaraming mga araw
Na mahirap itong gawin. Isipin mo:

Noong natuto kang magsalita bilang bata,
Hindi naman sa hindi mo alam ang mga salita—

Kundi, dahil sa mga siglo, napakarami mo nang natutunan,
At mahirap pumili ng mga salitang magiging
iyo.

Mula sa mga siglong iyon, dala nating mga tao
Ang mga simpleng lunas at awit,

Mga kawayang tulay sa ibabaw ng mga ilog,
Mga bituing nagtatakda ng ating mga kapalaran,
Mga kantang nagpapa-alala ng kapayapaan,
Lahat sila’y naglilingkod sa iisang simpleng hinagap:

Na makapagtatayo tayo balang araw
Ng isang tahanang tatawagin nating “bukas.”
Kung saan natin patitirahin sa darating na araw, araw-araw,

Ang ating mga sarili. At iyan lamang ang kailangan natin
Upang magsimula. Iyan lamang ang kailangan natin para
magpatuloy.

Tumingin ka sa likuran hangga’t kailangan,
Tapos sumulong ka na patungo sa kasaysayang uukitin mo.

Magpakabuti ka at mas magpakabuti pa. Magsulat ka ng mga libro.
Magpagaling ka ng mga maysakit.
Ipagmalaki mo kami. Ipagmalaki mo ang iyong sarili.

At silang dumating bago ka?
Kapag narinig mong kumulog,
Sila iyon. Pinapalakpakan ka.