Naramdaman ko ang init ng gintong sinag mula sa langit na sumuot sa pagitan ng mga dahon ng punong sa ilalim ako’y nakaupo. Tumayo ako at nagsimulang maglakad papuntang dalampasigan.
Nakita ako ng isang kaibigan at naramdaman ko siyang sumunod, naglakad ilang hakbang mula sa akin. “Mawawala na ito mamaya,” narinig kong sinabi niya. Tumigil siya’t tumayo, nakatitig sa langit habang ako’y nagpatuloy sa paglalakad.
May magkasintahang naglalaro sa tubig. Tumitigil sila paminsan-minsan upang kumuha ng larawan ng isa’t-isa. Umupo ako malayo sa kanila―malayo pa’t hindi ko makita ang paghampas ng maliliit na alon sa basang buhangin. Tumingin ako sa kanan at nakita kong nakaupo ang dalawa kong kaibigan, magkahawak ang kamay, pinagmamasdan ang pagpapatintero ng dilim at liwanag habang dinidiligan ng dagat ang pagod nilang mga paa.
“Gusto kong makita ang maliliit na alon,” narinig kong sinabi ko sa aking sarili. Tumayo ako’t naglakad pa ng kaunti, lumapit sa dagat na tila natutuwa rin sa palamuting lila na bumalot sa kaniya. Umupo ako muli at tumitig sa malayo, sa guhit-tagpuan ng dagat at langit, sa mga ulap, sa naghihingalong araw.
At doon dumating ang mga salita, parang batis na hindi matakpan. Binuksan ko ang aking kuwadernong umiilaw at nagsimula akong sumalok. Sumalok. Lumangoy. Maligo. Maghugas. Magtampisaw.
Nakita kong tumayo ang dalawa kong kaibigan―magkahawak kamay pa rin. Tumingin sila sa akin at sinabi ng isa, “Kailangan ba niya ng kausap?” Sumagot ang kasama niya, “Hindi. Mahilig yang mapag-isa.”
Naglakad silang pabalik ng kubo. At ako’y nanatili sa aking kinalalagyan, nag-aantay pa sa kung ano ang darating.
Ako’y sumalok.
Lumangoy.
Naligo.
Naghugas.
Nagtampisaw.