21–22

Ang panitikan ay tulad din ng panahon. May panahon lamang ito. Ang pormang dagli, halimbawa, ay pormang malaganap sa unang dekada ng 1900, ang panahon ng paglaganap din ng diyaryong Tagalog. Kalakhan, ang dagli ay romantikong pag-aalay sa kung sinong babae, pero may mangilan na naging daluyan ng makabayan at anti-kolonyal na kaisipan. Matapos nito, sa komplexidad na pagbabago ng panahon sa ilalim ng Amerikanong pananakop, ito ay naglahong parang bula mula sa front pages ng mga pahayagan. Naglaho ito tulad ng pagkapasok nito sa kultural na kamalayan sa pamamagitan ng mga diyaryo—unti-unti na sa katagalan at layo sa kasalukuyang panahon ay biglaan. Gayunpaman, hindi ito nagsimula sa wala at natapos na lamang ng gayon. Nabubuhay ang substansya ng dagli sa panktuwasyon at periodisasyon, sa serialidad at isahang buga ng kasalukuyang produkto sa gawi ng pambansang pamahalaan at elektronikong media. Weder-weder lang, ang nawalang sutlang bulaklak naging kalapati, naging magkakarugtong na iba’t ibang kulay na panyo. Ang dagli naging tabloid naging boxed stories sa front pages o human interest at feature story sa pahayagan at column, headline na balita sa telebisyon naging kalakaran ng paggawa ng anumang infrastruktura sa bansa. Magical like a seagull. Nagtransforma na ang dagli, hindi na ito tinawag na dagli at nagkaroon na ng ibang lehitimong pangalan at katawagan—anekdota, slice-of-life, day-in-the-life, at iba pa—at lehitimasyon (pagpasok ng ganitong uri ng kwento sa media). Maging ang “kwentong bayan” na nagpanguna sa panahon ng dagli ay isang imbensyong katawagan ng mga iskolar ng panitikan at antropolohiya para sa maiikling kwentong katutubo at folk, kadalasan oral na kinolekta at trinanskrayb. Hindi namatay ang dagli, pero sa pagkakasuat ng kasaysayang pampanitikan, ang dagli ay naging tulay lamang tungo sa ebolusyon ng maikling kwentong kilala natin sa akademikong pamantayan nito.

28

Ang aking asersyon ay ganito: mismong ang kasaysayan ang lumilikha ng porma ng panitikang magbibigay-representasyon sa kanya. Umaangkop ang dagli—o anumang stilo ng porma ng panitikan—sa politika ng panahon batay sa politikal na ekonomiya ng paglalathala.

28

Tulad ng maraming stilo, ang dagli ay kwento pero ibang uri ng kwento. Ito ay kwento at hindi rin kwento. Matapos ang kanyang rurok na popularidad, bigla itong naglaho, sa pangkalahatan, sa mismong pahina ng mga diyaryong Tagalog na nagbigay-pansin sa mambabasa. Mismong ang mga diyaryong Tagalog at vernakular ay karamihang naglaho na rin.

29

Ang inaasahan ko sa talakayang ito ay magkaroon ng materialidad ang panahon at espasyo kung saan ang dagli ang hari, at kung saan din ang parehong hari ay dali-daling naglaho gayong nandito pa rin ang kanyang pinaghaharian. Matutunghayan ito sa pag-angkat ng diskurso sa loob at labas ng dagli, kung paano ang ideya ay nagiging konkretong karanasan at ang konkretong realidad ay nagiging kabahagi ng pangkapangyarihang struktura ng idea.

29

Maikli ang dagli, “hindi lalampas sa tatlong papel” pero “hindi taal na maikling kwento.” Tila ang pinupunto ni Agoncillo ay ang mababang katangian ng dagli sa usapin ng kasiningan, dahil ito ay pumapaksa “sa tahasang nanunuligsa, lantarang pangangaral, karanasan sa pag-ibig, ‘pasingaw’ o mga akdang inihahandog sa mga paraluman.”