Tagamasid ka noon
ng mga babaeng tulala
mga tumatangis na bata
mga butong pumuputok
sa mga abuhing balat
na naglalakad sa likod
ng mga alambreng bakod
na pumapaligid sa parang
na binalot ng amoy
ng nasusunog na lamang
humahalo sa banal sa usok ng insenso
mula sa bawat misang idinaraos
ng bawat pari.
Wala na ang mga babae.
Wala na ang mga bata.
Subalit, nandito ka pa rin.
Nakatayong walang kibo.
Nakikinig. Nagmamasid.
Ikaw na tagapamahala
ng mga kaluluwang ipiniit mo
sa mga pader
ng di natitinag mong impyerno.
Pinagtatawanan mo ang mga patay.
Ikaw na walang hinagpis sa likod
ng malulungkot mong bintana?
Mga matang pinagod ng kasaysayan.
Mga matang pinagod nga mga bagay
na hindi namin nakita,
na hindi na sana namin makikita.
Bakit nandito ka pa rin?
Kelan mo sasamahan
ang sanlibong mga kaluluwang
minsan naglakad sa loob
ng iyong mga dingding?
Ikaw, Baker Hall,
ang pinakamatibay
sa lahat ng halimaw na itinayo
sa dibdib ng ina ko.