Si Antonio Victor Reyes aka Taal Talahib na kilala ng marami sa amin bilang Tatay o Ka Icktoy ay namaalam na sa mundong ito noong Oktubre 28, 2024.
Nakilala ko si Ka Icktoy sa Tungko ng Tula, kurso at grupo ng mga sumusubok tumula na binuo ng namayapa na ring kaibigang si Rem Tanauan. Nabuo ang grupo sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic noong 2020. First batch ako samantalang third o fourth batch ata si Ka Icktoy.
Bagaman nagsimula ang aming pagkakaibigan sa Facebook lang at nagkapalitan ng kunting mga comments, unang beses ko lang nakita si Ka Icktoy sa personal sa lamay ni Rem sa Batangas noong 2022. Nakilala ko siya agad habang nakaupo siya sa isang silya sa labas ng pinaglamayan, nakasuot ng gray na hoodie with matching gray pants. Nakatutok siya sa kaniyang cellphone. Unang gabi iyon ng eulogy ni Rem kaya ini-edit siguro ni Ka Icktoy ang tulang binasa niya noong gabing iyon. Nakapagpa-picture and nakapagkwentuhan kami noon.
Sunod ko siyang nakita sa paghuhulma ng luwad na urno ni Rem sa Ili Likhaan studio nina Rosa Mirasol at Yano Quijano sa San Pascual, Batangas. Nakisakay lang ako kina Abbey at Uwa sa San Pablo noon. Sinundo namin si Ka Icktoy sa Lipa. Doon, sa mahabang byaheng iyong papunta at pabalik, mas mahigit kong nakilala si Ka Icktoy. Nalaman kong matagal pala siyang namalagi sa Amerika at isa sa mga nagprotesta sa harap ng embahada ng Pilipinas doon noong ipinataw ni Marcos Sr. ang Martial Law. Teatro ang pangunahing sining ni Ka Icktoy, sining na ginamit niya sa mga demonstrasyong iyon. Pinakita niya sa akin ang ilang mga litrato niya noong nasa Amerika siya. Batang-bata pa siya noon. Pero hindi raw naging madali ang buhay niya sa Estados Unidos. Dumaan siya sa matinding depresyon noong mawalan ng trabaho. Nalaman ko rin na nakapaglimbag siya ng isang libro ng mga tula pero iilang kopya lang raw ang ni-release. May mga tangkang ireprint ang libro pero hindi natuloy.
Bago siya tuluyang humina, nakasama ko pa ulit si Ka Icktoy sa walking meditation na pinadaloy ko sa Los Baños noong summer ng 2023 (last year lang ito!). Ang lakad na dinisenyo ko ay may kahabaan: mula Umali Hall naglakad kami sa Freedom Park bago lumiko sa Pili Drive at pumasok sa mga bukid doon tsaka bumalik sa Pili Drive at sumunod sa dinaanan namin. Sa araw ng lakad ko lang nalamang na sasama pala si Ka Icktoy. Nagalangan akong isali siya. Naisip ko pa ngang gumawa ng mas maikling lakad para sa kaniya pagkatapos ng mahabang lakad. Pero desidido si Ka Icktoy na sumama kaya nagkasundo kaming lahat na dahan-dahan lang kaming maglalakad at aalalay kay Ka Icktoy sa bawat yapak.
Sa kalagitnaan ng lakad na iyon, nagpahinga kami sa harap ng isang malalim na plot overlooking ang bundok Makiling at ilang burol sa tabi nito. Nahiga si Ka Icktoy sa damuhan at umidlip ng labinlimang minuto bago ulit naglakad pabalik kasama namin. Noong gabing iyon, nagdinner kami magkakasama tsaka uminom ng kape at mainit na tsokolate sa Taza Mia. Ito na ang huling pagkakataong nakasama ko ang aking kaibigan na malakas pa siya. Grateful ako na isinama ko siya sa lakad na iyon.
Huli ko siyang nakita ilang linggo bago siya namaalam. Ibang-iba na ang aming naabutan. Nakahiga na lamang siya. Hirap na hirap bumangon. Hindi na kami naririnig dahil hindi na isinusuot ang hearing aid. Tingin ko hindi na rin kami nakilala. Pero sinubukan pa rin niyang gumising at itinuturo pa rin ang sumang iniaalok na kainin namin. Ayokong sirain ang pag-asa ng mga kasama kong dumalaw kaya hindi ko sinabi noon na ramdam na ramdam ko talaga noong malapit nang mamaalam si Ka Icktoy. Hinalikan ko ang likod ng kaniyang palad habang mahigpit ko itong hawak.
Salamat sa maikli ngunit puno ng kabuluhang panahong ating pinagsaluhan, Ka Icktoy. Ang makilala ka ay isang maraking karangalan.