Sa kailalimlaliman
ng gabing lipos ng ligalig
at pagkahayok sa kayamanan,
kabantugan, at kapangyarihan
na humihele sa laksa-laksang
sangkatauhang kinumutan
ng pagkalimot sa kasaysayan
at humihilik na tungo sa bangungot
na hinding-hindi na nila matatakasan,
pinili kong manatiling gising,
mulat ang mga mata,
tahimik at matiyagang nag-aantay
sa unang pamimitak
ng madilim na kalangitan
na siyang magluluwal sa una—
sa pinaka-unang
silahis ng liwanag.