Ang tula ay pahinga
Isang mahabang tulog pagkatapos ng maghapong paglalaba
Ng mga namantsyahang pangarap
Isang taimtim na panalangin
Pagkatapos ng buong araw na pagtatampisaw
Sa lungkot, takot, at pighati
Ang tula ay paghinga
Sa dulo ng walang-katapusang paggapang
Sa pagitan ng mga dumi, bato, at guano
Na pumapagitan sa lagusan at ginto
Isang marahang pagdampi ng ulo
Sa balikat ng sinisinta
Habang hinihintay ang susunod na istasyon ng bus
Ang pagsulat ng tula
Ay pagpapahinga
Isang maikling kamatayan
Sa gitna ng ating mga araw
Pagka’t ang hindi tumitigil
At hindi pa namamatay
Ay hindi pa tunay na nabubuhay
At sa buhay nagaantay
Ang pagsulat ng tula
Ay paghinga
Isang muling pagkabuhay
Pagkatapos ng maikling pakikipagniig
Sa abo