Hindi ko pa pala nakukuhanan ng larawan ang nag-iisang mosque dito sa Los Baños—ang IMSA Jammi Al-khair sa Bulusan Street. Kaya, tumigil ako sandali upang kuhanan ito. Isang taon mahigit na ako rito at halos araw-araw akong napaparaan pero bakit ngayong ko lang naalalang kuhanan siya? At bakit ko siya kinuhanan ng larawan malayo sa mismong gate ng mosque? Bakit ako nakararamdam ng takot tulad ng nararamdaman ng mga aso sa paligid na mosque tuwing umaawit ang imam sa mikropono na naka-loud speaker na dinig mula likod ng mosque hanggang sa bukana ng campus. Umaalolong ang mga aso tuwing kumakanta ang imam—nangangamba, tula natatakot sa kakaibang tunog. Kakaiba, hindi —. Bakit tayo takot rito?
Ilang taon na ang nakakaraan, pumasok ako sa pink mosque sa Malaysia. Hindi ko alam kung bakit, pero nilapitan ako ng imam o basta lalakeng may katungkulan sa mosque. Inalok niya ako ng tour sa mga pribadong silid ng mosque. Takot ang una kong naramdaman kaya nagdahilan nalang akong marami pa akong dadalawin.
Dala ko pa rin ang takot na ‘yon hanggang ngayon. At hindi lang ako. Lahat tayo takot sa bago, sa kakaiba, sa hindi pamilyar. Siguro, ito ang ginagawa sa’kin ng paglalakad, ang harapin ang mga bagay na kinatatakutan ko, ang bumati sa mga nakasasalubong ko sa daan, ang tumuloy maglakad kahit hindi ako sigurado saan hahantong ang lakad. Mahalaga ito dahil ang mundong gusto ko ay mundo ng mga taong matatapang, at higit sa lahat, hindi natatakot—payapa. Hindi na nga kailangan ng katapangan dahil ang pagbai sa mga kasalubong at pagtuklas ay natural na lamang. Ang pakikipagniig doon sa mg kaiba sa atin ay normal na lang.
Pagdating ko sa gate ng UP, natuwa ako dahil bagaman kailangan kong harapin ang mga bagay na kinatatakutan ko sa paglalakad, nagaalok rin naman ito ng pahinga sa mga bagay na pamilyar na. Ano pa nga ba ang paglalakad kundi ang paglalakad muli—ilang daang beses na’kong nakapunta sa gate na ito.