Hindi biro ang magsulat ng may almoranas. Nakahiga ako ngayon sa aking tiyan na natuklasan kong pinakamaginhawang posisyon para makapagsulat ako sa kalagayang ito. Hirap kasi ako kapag nakaupo. Ok naman sa umpisa kapag nakatayo, pero mayamaya pa nararamdaman ko na rin ang sakit. Hirap din akong maglakad ngayon—bagay na pinakanakapagpabagabag dahil sa mga paglalakad talaga ako madalas nakapagsusulat. Ayoko namang subukang magsulat habang nakapatong ang ulo ko sa unan baka makatulog ako. Itong posisyon ko ngayon ang compromise. Dahil panahon ito na maraming dapat sulatin.
Hindi naman perfect ang posisyong ito. Nakataas ang ulo at leeg ko parang kobra habang inaalalayan ng dalawa kong mga siko ang kalahati ng upper body ko. Naigagalaw ko ang kamay kong panulat. Pero nakakayamot din ito paminsan-minsan. Kapag nangawit ako, inihihiga ko ang pisngi ko sa unang nasa pagitan ng dibdib ko at ng kama. Tsaka ako maguunat ng dalawa kong kamay.
Nahanap ko nga ang perfect posisyon pero hindi rin naman madaling lumagay sa posisyong ito. Medyo mataas kasi ang tinubuan ng almorans ko—sa bandang itaas ng butas. Pansin ko, kapag pumupwersa ako at humuhugot ng lakas sa lower body ko, naiipit ang almoranas at kapag naipit ang almoranas, end game na. Sobrang sakit!
Kaya mahirap ang pagakyat sa hagdan. Mahirap ang pagtayo mula sa pagkakaupo. Mahirap ang pag-upo. Mahirap ang paguhod. Upang makarating sa puesto ko ngayon, kinailangan kong lumuhod. Kailangan akong maghirap bago makapagsimulang magsulat.
Ano ba ang isinusulat kong kailangang-kailangan at hindi makapag-antay? Sinusubukan kong magsulat ng sanaysay at dula sa wikang Pangasinan. Isasali ko ang mga piyesa sa contest ng NCAA na Gawad Bienvenido Lumbera. Kung papalain maski isa sa kanila, magiging karangalan ko na mapasama sa mga colleagues kong nagwagi na ng pagkilalang ito.
Pero hindi ang pagwawagi sa patimpalak kundi ang pagkatutong magsulat ang pinakahabol ko. Ang pagkatuto kung paano magisip at magkuwento gamit ang sarili kong wika. At ang paggawa at pagproduce ng literaturang Pangasinan na minsan parang almoranas ding kaytagal nang pasakit sa tumbong ng pambansang literatura. Parang tumigas na taeng kahit anong ire hindi makalabas.
At papaano ilalabas ang mga anlong, antikey a tongtong, salaysay, at dula kundi sa ganitong paraan rin naman talaga. Masakit. Parang almoranas. Parang pagsusulat sa panahon ng almoranas. Panahon kung kailan masasaktan ka ano man ang piliin mong posisyon. Ano man ang piliin mong gawin. Kaya dakila ang mahabang pagtitiis ang pagtitimpi dahil matagal-tagal ang aantayin bago tuluyang guminhawa. Bago tuluyang mailabas ang dapat ilabas ng ?? at walang pagpipigil.