Madalas talagang sumusulpot ang ala-ala. Minsan, hindi ko alam kung kaibigan ito o kaaway. May mga bagay na gustong-gusto kong maalala at ayaw kong makalimutan. Pero napakarami rin namang ala-alang gusto ko na sanang ibaon sa limot. Ang sabi ng mga nagaaral ng utak, mga bagong ala-ala lamang daw ang makapapalit sa mga lumang ala-ala. Kaya, upang makalimot, kailangan natin lumabas sa kuwarto, gumawa ng mga bagay, sumama sa mga mahal natin sa buhay at makipagkaibigan sa mundo.

Naisip ko ngayon lang na ang buong pagkatao natin ay binubuo ng mga ala-ala. Tayo ang mga ala-ala natin at ang mga bagay na lumipas at nawala na ang mabubuhay muli dahil sa ala-ala. Parte ng pagiging tao ang pakikipagbuno sa dalawang talas ng espada ng ala-ala. Sa pamamagitan nito nagiging sobrang saya natin pero pwede rin tayong manlumo at magdusa dahil sa ala-ala. Isa sa mga sinasanay ko ngayon ay ang manatili sa kasalukuyan hangga’t kaya ko, kung saan ang mga ala-ala ay hindi pa naghahari. Pero, inaamin ko rin na may mga panahong nakapananatili lamang ako sa kasalukuyan dahil sa isang pangyayari sa nakalipas na ubod ng linaw kong naaalala sa kasalukuyan. Kabalintunaan kung iisipin, pero maaari tayong manatili sa kasalukuyan gamit ang ala-ala.

Note

Ang maiksing sanaysay na ito ay sinulat ko kasama si Uwa noong 2024-05-27.

Related