Kanina, sa Aglibut (muli) nakasabay ko sa paglalakad ang tingin ko’y mag-anak. May isang ginang, isang adultong lalaki na diko mawari kung asawa ba o anak ng ginang. May isang batang babae, isang batang lalake na mas matanda ng kaunti sa babae at dalawang lalake’t babeng naka-uniporme, mga estudyante na nagpapahuli at tila naghahawakan ng kamay, siguro’y magkasintahan.
Akala ko noong una’y galing sila sa misa na kasalukuyang idinaraos sa St. Therese. Pero ngayong tingin ko’y galing na sila sa labas at malamang naglalakad kanina pa. Papunta kami lahat sa Pili Drive. Sa kaliwa sila naglalakad. Ako naman sa kanan.
Pagkalagpas namin sa Senior Social Hall, lumipat sila lahat sa kanan. Nauuna ang adultong lalake at batang babae. Sinusundan ng ginang at batang lalake tsaka ng magkasintahang sinusundan ko.
Nang tumapat sa tulay ang matandang lalake bigla itong akmang tatalon sa tulay na humihiwa sa Molawin sa ibaba. Madilim na madilim. Umiyak ang batang babae.
Tumakbo ang batang lalake at hinawakan nito ng mahigpit ang ginoo. Nagsisisigaw ang ginang, “Kung an ano ang naiisip mo!” Lumapit ang magkasintahan at tumulong sa paghahawak sa lalake. Tumigil sila sa tulay habang nagpatuloy sa paglalakad ang ginang at batang babae na humihikbi at umiiyak pa rin.
Nilagpasan ko ang mga nagkumpulan sa gitna ng tulay at sinimulan ang mag-isa. Karakaraka nariyan na ang mga naiwan. Pinagtatawanan ng mga bata ang matanda. Tumawid sila lahat sa kaliwa. Narinig kong magsalita ang lalake, “Maglakad nalang kayo.”
Pagdating namin sa Pili, naunahan ko na sila. Tumawid ako ng kalsada habang tumigil sila sandali sa tapat ng construction site. “May kailangan akong gawin. Nandito ang pangangailangan ko,” parang narinig ko mula sa malayo.
Nilingon ko sila sa huling pagkakataon. Nakita kong umiling-iling ang lalake, naliligalig, pinipisil-pisil ang harapan ng t-shirt niya.
Pagdating ko sa Argañosa, may tumigil na jeep lulan ang apat na lalak. Sumigaw ang isa na nasa loob, “Bilisan niyo! Nagaantay ang tiyo ko.” Kausap niya ang mag-anak na ? kung maglakad.
Bago ako lumiko sa Madamba, nakita kong dumaan ang jeep sa gilid ko. Nasa loob na ang ginang, ang magkasintahan, ang humihikbing batang babae at ang ginoong nagtangkang tumalon sa tulay sa Aglibut. Kalahati lang ng jeep ang puno. Pero nakasabit ang batang lalake.
Pumasok sila sa checkpoint papuntang Tuntungin, nilagpasan ang guwardiyang tila tulog na, at tumawid sa tulay.
Pagkaliki ko sa Madamba, sa ilalim ng mga puno ng accacia, naalala kong malungkot nga pala ako ngayong araw na ito.