Huli ko siyang nakasama October 15, 2022, Sabado, halos eksaktong isang linggo bago niya tayo lahat iniwan. Dumalo kami sa book launch ng pinakabagong libro ni Rofel Brion, ang tanging buhay na Pilipinong makata na kinoconsider ni Rem na beacon ng istilo ng tula na gusto niyang isulat at ituro. Tinanong ko siya nun kung i-eextend sa Tungko ang invitation to participate sa book launch. Pakiramdam ko kasi may ilang ka-Tungko na matutuwang makasama. Sinabi niya wag muna, gusto ko tayo-tayo lang muna. Naintindihan ko ang pasya niyang iyon. Nitong ilang linggo bago niya tayo iniwan, nasa malalim na introvert mode si Rem, dahilan kung bakit hindi rin namin siya makasamang ipagdiwang ang birthday niya. Tutok siya sa pag-aaral ng Yi-Ching na kinoconsider niyang parang Biblia. Asa sarili niyang seminaryo si Rem. May nilulutong kung ano. Sa event, pinakinggan ko lang siyang magkuwento kung paano niya nakikita ang mga hexagram symbols sa paligid niya. Nasa kakaibang mode siya noong gabing yun. Hindi ko siya maabot.
Hindi nakasama si Claire dahil nasa Las Piñas pa. Si Lea, muntik ng sumama, pero nagdecline siya last minute. Ang ending ay isa muli sa napakaraming date nights ko with Rem. Diko lubos akalaing, yun na rin ang huli.
Gusto kong isipin na binigay sakin ng sansinukob ang huling ala-ala ko kay Rem na kaming dalawa lang talaga, kaming dalawa lang, tulad kung paano nabuo ang pagkakaibigan namin simula 2017, na lumalim sa halos mala 2-3 day retreats na pagtulog ko sa bahay nila, mga araw na puno ng tula, pilosopiya, and believe it or not, ireverrent humor.
Saksi kayong lahat sa kung papaano maki-pagkaibigan si Rem. Makikilala ka niya sa context ng grupo. Pero makikilala mo siya sa context ng individual. Kayong dalawa lang muna, tao sa tao. Hindi political thinker si Rem. Pero kung meron siyang istilo ng pagkamit ng pagbabago, ito yun. At pagbabago talaga ang pinaka-vision niya. Cultural change. I want cultural change. Ang sagot niya noong tinanong ko kung ano ang overarching purpose o theme ng lahat ng ginagawa niya.
Noong gabi ng October 15, 2022, maaari na sanang sumakay si Rem mula San Pablo hanggang Santo Tomas. Mas malapit na ang byahe niya doon. Pero pinili ni Rem sumabay sa akin pauwi ng Los Baños. Diretso akong Calamba; magdadalawang sakay nalang ako ang sabi niya. Kapag gumagawa ng ganitong desisyon si Rem, ibig sabihin hindi pa siya tapos sa’yo.
Sa jeep, tuloy ang diskusyon sa literatura, ang comparison ng Los Baños sa San Pablo, at plano sa Tungko, lalo na’t nakilala namin ang may-ari ng Casa San Pablo na zen practitioner at manunulat rin na may hangarin ding aligned sa Tungko ni Rem. Lumalim ang kuwentuhan, nagfflow si Rem, kaya nagtanong siya, gutom ka pa ba? Gusto mong magpancit sa Agapita? Ikaw, pwede naman, ang sagot ko. Manga alas diyes na yun, mag aalas onse. Nasa kakaibang mode si Rem at may nakilala kaming mga bagong kaibigang aligned sa vision niya. Ako na malapitang natunghayan ang transformation niya mula sa pagiging isang insecure at unsure na makata patungo sa isang taong nag-fully commit sa poetry at nagturo pa nito sa napakarami, naramdaman ko na ang gabing iyon ay mitsya ng isang bagong simula sa buhay niya bilang poet at poetry teacher.
Noong naramdaman naming malapit na akong bumaba sa crossing papuntang UP college, ako naman ang nagtanong kay Rem, ano bababa ka pa? Nanahimik siya sandali tapos sumagot, hindi na Vince, para makapagpahinga ka na rin. Noong nagsisimula kami, hindi ganoon ka-aware si Rem sa need ko for rest. Pero malayo na ang narating namin kahit mag-aanim na taon lang ang pagkakaibigan namin. May respeto na kami sa boundaries at preferences ng bawat-isa kahit hindi kami parating nagkakasundo.
Bumaba ako ng crossing, at sinabi ko sa kaniya magkita tayo kaagad soon, ituloy natin to.
Sana bumaba nalang si Rem noon. Sana naglakad pa kami papuntang pancitan. Sana umorder ng sotanghon o lomi at nagpaumaga na para sa isang huling bahaginan.
Kung bumaba kami noon sa crossing at kumain ng mainit na lomi o sotanghon sa pancitan, at alam kong yun na ang huling gabing makikita ko siya, may tatlo akong sasabihin sa kaniya:
- Una, tatawagin ko siyang bestfriend, matalik na kaibigan. Kasi never kong nasabi sa kaniya yun personally. Pareho kami na hindi magaling sa paglalagay ng labels sa relationships. Hindi ko kailan man ginamit ang mga salitang yun sa kaniya in person although nasabi ko sa kaniya dati na pagkatapos ni Lea, siya ang pinakamalapit na tao sa akin due to the fact na ang relationship ko sa kaniya tulad ng relationship ko kay Lea ay sobrang daming liko. Hindi madali noong una, dahil sa mga pagkakaiba namin, pero nai-raos namin yun at kung meron akong iisang bagay na pinagmamalaki sa relationship ko with Rem ay yun yung fact na ni minsan hindi kami nagkaroon ng, to use his term, “major” na tampuhan o away. Chill lang si Rem. Marunong makiramdam. Marunong maki-ayon. Aware sa pagkukulang niya at kailangan niyang baguhin. In short, madaling maging kaibigan. Hindi ko rin narinig sa kaniyang tawagin akong matalik na kaibigan. Pero paminsan-minsan nararamdaman ko yun. Paminsan-minsan nararamdaman kong may mga bagay na sa akin lang nya nasasabi. Hindi ko alam kung paraan niya yon ng pagpaparamdam sa akin kung gaano ako kahalaga sa kaniya o sadyang tumatakbo lamang siya sa akin, sabik, minsan desperado na may makinig sa kaniya. Dahil kahit gaano siya ka-superhero sa harap ng publiko, minsan pati sa akin, nakita ko si Rem na katulad nating lahat, nakikipagbuno sa kaniyang nakaraan, sa kaniyang pakiramdam, sa kaniyang mga insecurities, sa mga regrets, sa mga planong hindi alam kung kelan darating. Isa sa mga regrets ko sa pagkawala niya ay ang hindi man lang pagclarify kung ano ba talaga kami sa isa’t-isa. Rem, ano ba talaga ang status natin?
- Sasabihin ko sa kaniya na ang pinakamalaking regalo niya sa akin, at marahil sa inyo ring lahat, ay ang community. Nakilala ko si Rem noong 2017, mag-isa at sabik sa kasama. Through him, nakilala ko ang ilang communities kung saan ko makikilala ang ilan sa kinoconsider ko ngayon na matatalik na kaibigan. Ngayon habang nagbbrowse ng posts sa Remembering Rem group at ng mga larawan ni Rem kasama ng napakaraming kaibigan at handful of groups, malinaw na malinaw sa akin, umapaw ang regalo ng pagkakaibigan kay Rem at dumaloy patungo sa akin, sa ating lahat, dahil punong-puno siya nito. At lahat ng iyon nagsimula sa pamilya niya, sa tahanan kung saan siya lumaki, sa mga kapatid at pinsan niya na nagkaroon ako ng privilege na makilala. Tinuturing ko itong regalo dahil binigay ito ni Rem sa akin ng hindi ko hinihingi at minsan niresist ko pa nga. Pero ngayon na wala na siya sa tabi ko, nararamdaman kong kailangan kong yakapin at tanggapin ang walang-katumbas na regalong ito.
- Sasabihin ko sa kaniya na ang pinakamalaking lesson na natutunan ko sa kaniya ay tolerance. May nagtanong dati Vince bakit ka nasa spiritual circles kung agnostic ka naman? Hindi ko pa alam nun ang sagot. Pero ngayon alam ko na. Si Rem ang dahilan. Si Rem ang nagintroduce sa akin sa kaniyang spiritual circles. At bagaman hindi ako nagreresonate sa mga ito, I choose to stay around dahil extension sila ng pakikipagkaibigan ko kay Rem. Ni minsan hindi ako hinusgahan ni Rem sa hindi ko paniniwala sa kaniya. Bukas siya sa dialogue, sa disagreements, kahit nararamdaman ko minsan na uncomfortable siya na chinachallenge ko sya, hindi siya nagagalit. Nakikinig siya. Parati siyang nakikinig. At dahil dito naging matibay ang relationship namin. May mga topics na dati iniiwasan namin pero nitong mga nakaraang taon at buwan bago siya mawala, nasimulan na naming tahakin. Through my relationship with him, naappreciate ko ang intricacy ng dialogue, ng religious tolerance, ng open-mindedness, at higit sa lahat compassion. Dahil nagkakaiba man tayo sa paniniwala kung ano ang umiiral, pare-pareho tayong nangangailangan ng pagmamahal.
Sana sapat ang isa o dalawang oras sa pancitan para sabihin ko itong lahat sa kaniya.
At bago ko siya tuluyang pasakayin sa tricycle na maghahatid sa kaniya sa Olivarez kung saan siya sasakay pa-Calamba, sasabihin ko sa kaniya na mahal na mahal ko siya at gusto ko pa siyang kilalanin, tulungan sa vision niya, maging patient sa kaniya, at magtampisaw sa kaniyang mga tula. Dahil kahit matalik na kaibigan ang turing ko sa kaniya, napakarami ko pang hindi alam tungkol sa kaniya. Napakarami pa.