Note how boundary setting affects self confidence
Noong naglalakad ako hapon-hapon sa maalikabok na daan sa’min sa Sta. Maria bago nila ito sinimento’t tinawag na snake road, bago dinayo ng mga tiktokers at probinsya gangsters, hindi ko alam pero kilala na pala ako ng mga magsasakang nakatira sa mga kubong nasa gilid ng mga bukid na sinasaka nila. Basta araw araw kang maglalakad, at wag na wag magsusuot ng rubber shoes o anumang sapatos na magpaparamdam sa kanilang iba ka, kahit hindi sunog sa araw ang balat mo tulad nila, babatiin ka pa rin nila ng pagtaas ng kilay o pag sinusuwerte kay tatanungin ng “lupa niyo ito?” Hindi man kami nagkatagayan, kilala namin ang isa’t-isa dahil nakikita nila ako prating naglalkad at nakikita ko silang umuuwi mula sa maghapong pagbubukid.
Nang mapadpad ako sa LB, wala nang mga magsasaka. Ang mga bukid sa Pili Drive ay pawang experimental na dinadalaw lng paminsan-minsan ng kung sinong agriculturist o bantay. Pero may tindero ng fishball, tokneneng, at calamares na madalas akong makitang naglalakad. Minsan habang pauwi mula sa paglalakad sa maalikabok na daang tao sa tabi ng pader na tinayo ng UPLB para ihiwalay ang bukid nila sa mga bahay-bahay ng mga informal settlers, nakita ko ang tindero sakay ng tricycle na mabagal niyang pinatatakbo. Patay na ang ilaw sa loob ng mga kahong salamin na ang natira na lamang ay mga manila epaper na binasa ng mantika at maliliit na butil ng arinang balat ng calamares at isaw. Nagsalubong ang aming mga titig. Hindi ako nakangiti. Tinitigan ko lng siya. Pero ngumit siya’t binati ako ng tango ng ulo.
Naalala ko ang mga magsasakang nakasasalubong ko hapon-hapon sa maalikabok na daang mala-ahas at ang maaiksing damo sa gilid ng daan na kapag madilim na madilim na’t huni ng sikling na lamang ang naririnig ay hinihigaan ko upang batiin naman ang mga bituwin.