5:50 Pababa na ang araw pero maliwanag pa rin. Maputlang kunti ang sinag nito. Hindi matapang na orange. Mainit sa balat.
May mga nahulog na mangga. Meron ding mga pirasong halatang binalatan. Kinain. Walang mga prutas sa mangga na nasa tapat ng mga ito. Galing ba ang mga ito sa puno? O nahulog ng nakabisikletang dumaan.
Malamig ang simoy ng hangin. Kahit na hindi naman natuloy ang pinakaaasam na ulan kanina. Masarap huminga rito. Malamig at magaan ang hangin. Para akong hinihele.
May mga tanim na okra sa harapan ko. Pero tila napabayaan na sila. Nilamon ng mga gumagapang na halaman. Pinayuko. Malalaki at matatanda na ang mga bunga ng okra. Lupa na at hindi tao ang kakain sa kanila.
Ito siguro ang sining ng pagmamasid. Ang sining ng pagtingin. Sa pagtingin at pagsasalubong ng mata at ng mundo, may mga tulang isinisilang. At hindi mo sila mapipilit lumabas. Lumilitaw lang sila na hindi inaasahan. Kailangan lang maging bukas.
Para saan ang maliit na lawa sa kanan ko? Kumati na ang tubig. Nagkandahulog ang mga dahon ng kawayan at may ilan pa ngang tuluyan ng nabuwal. Walang mga isdang lumalangoy ni palaka sa lawang ito. Mga dahon lamang.
Bakit ba kailangan ko pang masyadong pag-isipan kung saan ako lulugar sa sining ng pagsusulat tungkol sa kalikasan. Kailangan ko lang ng metodo:
- Maglakad sa hapon.
- Magmasid.
- Magsulat at hayaang dumaloy ang kung ano.
- Balikan ang mga naisulat at tignan kung mayroong tula, paninulang sulatin, kuwento, atbp. naroon.
Oo magbabasa pa rin ako ng metodo at ng mga nauna nang naisulat. Pero pinakamahalaga pa rin ang direktang pagsasanay.
May maliit na bahay sa gitna ng bukid. Sementado. May bintanang maliit pa nga. May yerong bubong. Mukhang hindi ito itinayo para maging alolong. Dapat kawayan lang to. Mukhang itinayo ito para maging bahay. Oo nga, dahil may nakakonektang kable ng kuryente. Pero mukhang wala nang nakatira. Mainit sigurado diyan pag tanghaling tapat.
May maliit na gubat ng mga punong mahogany sa daang ito. Natutukso akong pumasok pero wag na lang muna. Sa susunod siguro.
May ilang nakabitin na kulay rosas na itlog ng kuhol sa punong labas na ang ugat. Pamilyar ang punong ito. Ito ba yung napakataas na punong tanim ni Daddy dati na dinarayo at pinagiitlugan ng malalking mariposa? Mukhang ito nga yon. Mamamatay ba ang mga itlog ng kohol kapag hindi natubigan. Halos wala nang tubig ang canal. Matagal nang walang ulan. Binabalikan pa ba ng inang kohol ang mga itlog niya? O kaniya-kaniyang buhay na sila kapag napisa? Sino ang magliligtas sa mga kohol na ito sa tiyak na pagkalipol?
Bakit ba ako maghahanap ng likhang mahirap iginapang? Hindi yon ang hanap ko kundi yung abot-kamay, madali, maginhawa.
Paano ba nagkakaroon ng kahulughan ang isang bagay? Intentional tayong nag-iisip. Humahanap ng mga salita. Humahanap ng mga anggulo at istruktura. At ito ang idinaragdag natin sa pagpapaliwanag, sa pagpapalawak ng saysay ng isang bagay.
Tulad ng isang salita na inuusisa ng malaliman upang bigyan ng kahulughan, ang mga bagay na nakikita ko sa kalikasan at mga isip at nararamdaman habang naroon, ay may nagkakaroon ng kahulughan, kapag mas tinitignan ko ng malaliman, sinusulatan. Nagiging mas may kabuluhan at saysay ang mga ito sa akin.
Dagdag pa rito sa kaibahan ng hangarin at kabuluhan. Hindi sasabihin ng bata ang hangarin niya. Susundan lamang niya kung ano ang nararamdaman niyang gawin. Pagkatapos niyang gawin ang isang bagay, at magkukuwento siya tungkol sa ginawa niya, bumubuo siya ng kabuluhan ng kahulughan ng ginawa niya.
Mahirap minsang malaman kung ano ang gusto natin. Pero kapag nakasubok, nakakita, nakatikim ng anuman, madali sa’ting magsabi kung nagbigay kahulughan ba ito satin o hindi. Mas madaling isipin ang kahulughan ng buhay kaysa isipin ang hangarin nito.