The following essay, written in Filipino, was published in the Buhian literary issue of Katipunan in December 2023.
Abstrak
Ang mga akdang itinuturing na pamantayan sa kung ano ang panitikan ay madalas na may katangian ng pagiging tapos, ganap, buo, at nailimbag sa papel. Iniaalok ng hybrid na malikhaing akdang “Mapa ng Los Baños Patungo Sa ‘yo” at ang kakabit nitong sanaysay ang isang alternatibong pagtingin sa kung ano ang literatura at kung paano maaaring isapraktika ang malikhaing pagsulat sa isang post-print na mundo. Nagpapaanyaya ang akdang ibalik ang pagsusulat sa mala-borador nitong katangian, isang katangiang kumikiling sa pagtanaw sa pagsusulat bilang isang dinamikong prosesong nagluluwal ng mga sulating hindi tapos at solido, bagkus ay patuloy na kumikilos, nagbabago, at umaangkop sa panahon. Upang maisagawa ang proyektong ito, iniaalok ng akda ang mabisang paggamit ng isang personal at digital na artsibong tinatawag na Talahardin, ang paggamit ng mga metodolohiyang nagluluwal ng mala-borador na mga sulatin tulad ng paglalakad, at ang pagkilala sa kalipunan ng mga gawa ng isa bilang isang hindi natatapos na borador.
Works considered models of what literature is are often finished, complete, and published in print. The hybrid creative work “A Map of Los Baños to You” and its accompanying essay offers an alternative view of what literature is and how creative writing can be practiced in a post-print world. The work invites a return to writing’s draft-like character, a character that leans toward a view of writing as a dynamic process that births written works that are not finished and solid but instead continuously moving, changing, and adapting with the times. To realize this project, the work suggests the effective use of a personal and digital archive called Talahardin, the use of methods that generate draft-like works like walking, and a recognition of one’s body of work as an unfinished draft.
Mga Susing-salita
artsibo, borador, elektronikong literatura, kasaysayan ng paglalakad, panitikan ng paglalakad, paglalakad, talahardin
archive, draft, electronic literature, history of walking, literature of walking, walking, talahardin
Tungkol sa May-akda
Nagsusulat si Vincent Imbat mula sa Los Baños, Laguna. Naging fellow siya ng 20th Ateneo National Writers Workshop at naging kalahok sa Ikalawang Bienvenido Lumbera Seminar-Palihan sa Pagsasalin. Kasalukuyang siyang naglalakad sa mga kalsada at maalikabok na mga daan ng Laguna at Pangasinan, namumulot ng mga taludtod, kuwento, at katotohanan.
Ang “Mapa ng Los Baños Patungo Sa ‘yo” ay parsiyal na mapa ng bayan ng Los Baños sa probinsiya ng Laguna.1 Nakakalat sa mapa ang pitong parisukat na tumutumbas sa isang eksaktong dako ng bayan. Natukoy ang mga dakong ito sa pamamagitan ng mga coordinate (latitud at longhitud) na nakuha gamit ang Map View plugin2 ng Obsidian, isang open-source software3 na ginagamit upang ingatan ang mga digital na tala. Sa loob ng mga parisukat, may mga QR code4 na nagpapaanyaya sa mga mambabasang makipag-ugnayan sa mapa. Upang malaman ang datos na nakapaloob sa bawat QR code, kailangan mo ng smartphone na konektado sa internet, buksan ang camera ng smartphone mo, at itutok ito sa QR code.
Nilikha ko ang “Mapa ng Los Baños Patungo Sa ‘yo” upang ilarawan ang praktika at sistema ng pagsusulat na sinusubukan kong buoin. Upang maipaliwanag ko ito nang maayos, babalik ako sa pinakasimula.
Malalim ang kasaysayan ng paglalakad sa Pilipinas. Mahigit 67,000 taon na ang nakalilipas nang tinawid ng isang grupo ng mga hominin ang mga katubigang pumapagitan sa Sundaland at Wallacea, marahil gamit ang maliliit na bangka o balsa (Arenas et al.; Mijares et al. 123), upang makarating sa hilagang Luzon. Mula dalampasigan, naglakad silang patungo sa kaloob-looban ng isla kung saan nila nahanap ang kuwebang marahil ay naging tahanan at kalaunan’y naging libingan nila. Sa kuwebang iyon na ngayo’y tinatawag na Callao, sa bayan ng Peñablanca sa lambak ng Cagayan, unang nahukay ang mga buto ng paa ng isa sa kanila noong 2007 (Mijares et al. 123–124). Noong 2019, nahukay ang mga buto ng tatlo pa sa kanila (Détroit et al. 181).
Pagkadaong ng kanilang mga balangay sa mga dalampasigan at pampang ng Pilipinas noong mga 1,500 BCE, natapos ang mahabang paglalayag sa dagat ng mga pinakaunang Austronesianong ninuno natin (Gaillard at Mallari 9). Sinimulan nilang maglakad upang galugarin ang mga parang at kagubatan. Sa paglaki at pagdami ng mga sinaunang pamayanan sa Pilipinas, kaakibat ng pamamagitan ng mga ilog na humihiwa sa mga pulo at paghawan ng mga daan malalakaran sa gitna ng masukal na looban. Ang mga hinawang landas dito ng nilakaran ng mga mananakop na Español noong ikalabing-anim na siglo: una ng mga conquistadores sa kanilang paggalugad sa mga isla sa Pilipinas, pangalawa ng mga cabeza de barangay na nangolekta ng mga tributo, at pangatlo ng mga Katolikong misyonerong nagdala ng banyagang relihiyon sa mga katutubo (Corpuz 14, 18).
Noong binuwag ng mga Español ang sinaunang estruktura ng pamayanan upang ipalit ang plaza complex, ang pagmamartsa ng maraming kawal bitbit ang mga bandila, selyo, armas, at iba pang simbolo ng dayuhang institusyon ay naging paraan ng pagpapakita sa mga katutubo ng kapangyarihan ng mga mananakop (Foreman 365). Sa kalaunan, ang mga parada at prusisyon ng mga imahen ng banyagang relihiyon ay naging patunay na ganap ang pagkasupil ng mga Pilipino.
Subalit, paglalakad din ay isang naging daan upang kumalas ang mga Pilipino mula sa pagkakalupig. Noong nabunyag ang Katipunan at nagsimula ang armadong rebolusyon laban sa mga Español, naglakad ang mga Katipunero sa mga bulaos, sa mga bundok at burol upang makarating sa ibang bayan nang hindi nakikita ng mga guwardiya sibil. May mga pagkakataon namang kampante silang mananalo kaya’t nagmartsa silang magkakasama tulad ng ginawa nilang pag-atake sa Pasig at simbahan ng Pandakan noong unang yugto ng rebolusyon (Agoncillo 180–181). Noong naghihikahos na ang pag-aalsa sa kamay ng bagong dayuhang mananakop, tumakas si Emilio Aguinaldo kasama ang kaniyang mag-anak at ilang miyembro ng kaniyang gabinete sa Calasiao, Pangasinan, lulan ng tren. Nang sundunan sila doon ng mga Americano, napilitan silang maglakad sa mga parang, lambak, burol, at ilog umaga hanggang gabi hanggang makarating sila sa Cagayan at nang maglaon sa Palanan, Isabela, kung saan nahuli ng mga Americano si Aguinaldo noong Marso 23, 1901 (Agoncillo 233–236).
Madugo at magulo ang paglilipat ng kolonya mula sa dating mananakop patungo sa bagong mananakop. Kasama sa proyekto ng pagtatago ng karahasang naging pundasyon ng kanilang imperyalismo ang paglatag at pagpapatupad ng mga Americano ng bagong plano para sa pagpapaganda ng mga lungsod, lalo na ng Maynila at Baguio na naging mga modelo ng disenyo ng mga lungsod, disenyo ng mga gusali, parke, at daan sa Maynila at Baguio ay nagpaanyaya sa mga lokal na maglakad at maglibot sa pinakamagagandang lugar sa lungsod, mga tanawing lumilikha ng ilusyon ng katiwasayan at harmoniya sa ilalim ng kolonyal na gobyerno ng mga Americano (Kirsch 319–320). Ang paglalakad ay naging instrumento ng pananakop sa ating mga isip at puso.
Kung sinubukang itago ng mga Americano ang karahasan ng kolonyalismo gamit ang paglalakad, ginamit naman ito ng mga Hapones upang iparada ang karahasan. Noong Abril 9, 1942, ang halos 106 kilometrong Death March ng 78,000 sundalong nagtanggol sa Bataan—karamihan ay mga Pilipino—mula Mariveles, Bataan hanggang San Fernando, Pampanga, ay nag-iwan ng napakaraming bangkay sa daan (Agoncillo 408). Sa dami ng namatay, pakiramdam ng isang nakaligtas na: “Sometimes I think we all died on the march. Sometimes I feel sure that all the things that came later were just a fevered dream, and that somewhere back on those bloodsoaked miles there is another body.” (“Minsan, tingin ko namatay kaming lahat sa martsang iyon. Minsan, siguradong-siguro ako na lahat ng bagay na dumating pagkatapos noon ay isang masamang panaginip, at isang dako doon sa milyang babad sa dugo, may isa pang bangkay.” Stewart 81, akin ang salin)
Pagkatapos ng panahon ng kolonyalismo, ang paglalakad ay naging tagapaghatid ng daing ng bayan. Minsan, tulad ng nangyari sa EDSA People Power Revolution noong 1986, ang paglalakad ay tila nagdadala sa atin nais nating puntahan. Subalit, dumarating tayo para lang magpatuloy hindi pa pala talaga tayo nakararating. Kinailangan ulit nating maglakad sa EDSA Dos at EDSA Tres noong 2001. Minsan naman, nagtatagumpay tayo sa mas maliliit na mga lakad tulad ng nagawa ng Sumilao Farmers sa kanilang animnapung araw na lakad mula Bukidnon hanggang Maynila noong 2007—isang lakad na nagpasuko sa San Miguel Corporation na nagbalik ng lupang inagaw nila mula sa mga magsasaka (Santos).
Subalit madalas, ang lakad natin ay tulad ng Lakbayan ng mga Moro’t Lumad na naglalakad ng ilang kilometro taon-taon mula sa malayong dako ng bansa patungo sa Maynila para ipanawagan ang karahasang sinasapit nila sa kamay ng estado. Paulit-ulit na naghahabulan ang ating mga paa subalit parang hindi tayo nakararating. Ganito rin ang danas ko sa paglalakad.
Dahil lumaki ako sa pamilya ng mga Saksi ni Jehova, bata pa lang, malaking parte na ng buhay ko ang paglalakad. Suot ang polo, slacks, at sapatos na yari sa balat, naglalakad ako noon sa mga liblib na kalsada ng bayan ng San Jacinto kasama ang tatay ko bitbit ang bag na may lamang maraming polyeto’t magasing nakasalin sa wikang Pangasinan. Mahiyaing bata ako kaya madalas kumakatok lamang ako sa pinto, iniaabot ang magasin, at saka nagpapaalam na sa may-ari ng bahay. Noong lumaki ako, mas naging kampante ako sa pakikipag-usap tungkol sa pananampalataya ko kaya mas naging masaya ang mga pagbabahay-bahay ko.
Pag-akyat ko ng Baguio para mag-aral sa kolehiyo, mas lalo kong niyakap ang kinamulatan kong relihiyon at nagboluntaryo ako sa isang grupo sa loob ng kongregasyon na roon na ang mga may kapansanan sa pandinig. Natuto ako ng wikang pasenyas at sumama sa malalayong lakad sa mga bayan ng Baguio at karatig at bundok ng Baguio para maghanap ng mga tuturuan. Minsan, kahit naglakad kami buong araw, wala kaming natatagpuan. Kapag nakahanap kami kahit isang may kapansanan sa pandinig, babalikan namin siya sa susunod na araw o linggo, maglakad muli papunta sa kaniya gaano man kalayo. May mga panahon noong mas maraming oras ko ang ginugol sa paglalakad papunta at pauwi mula sa bahay ng mga tinuruan ko kaysa mismong pagtuturo.
Noong umalis ako sa mga Saksi noong 2012, nawala ang lahat—ang pananampalataya ko sa relihiyon ng aking pagkabata, ang paniniwala ko sa Diyos, at ang mga kaibigan ko sa loob ng organisasyon. Paglalakad lang ang naiwan. Bagamat hindi na ako ang batang nakapolo, slacks, at sapatos na yari sa aking balat, naglalakad sa mga pilipil at bangketa papunta sa mga bahay ng aking kakatukin, nagbabaka-sakaling pagbuksa’t papasukin, naglalakad pa rin ako. Ang kaso lang, madalas naglalakad ako ngayong hindi na malinaw kung saan ako patungo.
Maski noong nasa Pangasinan pa lang ako, nakagawian ko nang maglakad araw-araw. Lumalabas ako sa hapon, mga alas kuwatro o alas singko, pagkatapos ng buong araw na pagtratrabaho sa harap ng kompyuter. Gustong-gusto kong maglakad dahil naigagalaw ko ang katawan ko at pinagpapawisan ako. Bilang manunulat, napansin ko ring mas madali ang dating ng mga hinagap at salita kapag nagsusunuran ang aking mga paa. May mga problema sa pagsusulat na nalutas ko lamang habang nasa gitna ng paglalakad. Kapag naglalakad ako, nararamdaman ko rin ang naramdaman noon ni Thoreau: “There at last my nerves are steadied, my senses and my mind do their office.” (“Doon, humihinahon ako. Ang isip at mga sentido ko ay tahimik na umiinog.” 430, akin ang salin)
Habang mas madalas akong naglalakad, mas nagiging malinaw rin sa akin ang paglalakad ay sumasalamin din sa pag-iral ko bilang tao. Hindi ko pinili ang pag-iral ko sa mundo. Hindi ko piniling ipanganak sa Pilipinas sa panahong ito. Hindi ko pinili ang mga magulang ko. Para akong itinapon sa malawak at hungkag na kung sino o kung ano. Wala akong kapalarang kailangang tuparin o kabuluhang kailangang tuklasin. May dalawa lang kong puwedeng itugon sa pagkakatapon ito: pagpapatiwakal o pakikipagkaibigan.5
Ganito-ganito rin ang naramdaman ko noong umalis ako sa kinamulatan kong relihiyon, at ang paglalakad ang tumulong sa aking magpatuntong napakalaking puwang pala na iniwan ang aking sarili sa isang espiritwal na ilang. Pagkatapos ng halos sampung taong paglalagalag sa ilang na ito, natagpuan ko ang isang uri ng pag-iral na dulot ng mundo sa aking maging relihiyoso kahit malabo na sa akin maski ang kahulugan ng salitang “Diyos.”6 Natagpuan ko ang oasis na ito sa gitna ng ilang dahil pinili kong makipagkaibigan. Pinili kong maglakad. Pinili kong tuklasin kung ano ang narito at tanggaping hindi magiging madali ang lahat. Sa paglalakad, naunawaan kong wala mang itinakdang kapalaran o ibinigay na kabuluhan ang sansinukob, makalilikha pa rin ako ng saysay mula sa araw-araw kong pag-iral, mula sa araw-araw kong paglalakad.
Bilang parte ng tuluyang pagkalas sa kinamulatan kong relihiyon, lumayo ako sa Pangasinan at lumipat sa Los Baños (LB) noong 2021, pagkatapos lumuwag ang mga tuntunin sa pagbibiyahe na humigpit noong nakaraang taon dahil sa pandemya. Pakiramdam ko rin noon para akong itinapon sa ilang. Bukod sa inuupahan kong apartment, mga tindahang madalas bilhan, at ilang bahay ng kaibigan, wala akong ibang alam na lugar dito. Hindi nakatulong ang sunod-sunod na community quarantine na ipinatupad ng gobyerno. Madalang kong makita ang mga kaibigan ko at limitado lang ang mga lugar na puwedeng lakaran.
Noong nabawasan ang mga community quarantine, sinimulan kong makipagkaibigan sa “ilang”7 ng LB sa pamamagitan ng paglalakad. Nagsimula ako sa paglalakad sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) bawat hapon. Doon, mararamdaman mo na ang tunay na katangian ng Bundok Makiling. Nagsisimula nang lumaki ang mga puno, naiiba na ang mga huni ng mga ibon, tumatarik na ang mga daan, at lumalamig na ang hangin.
Isang araw, pagkatapos ng ilang linggong paglalakad sa loob ng campus, binuksan ko ang laptop ko at tiningnan ang LB sa Google Maps. Dito ko unang nakita nang buo ang Bundok Makiling. Dito ko unang napansin na ang Bundok Makiling at UPLB ay halos kalahati na ng buong bayan. Inilista ko ang mga lugar na puwede ko pang lakaran at nag-antay ng tamang tiyempo para puntahan ang mga ito isa-isa.
Ang paglalakad ko sa LB ay naging kasingkahulugan ng pagbuo ko ng bagong buhay sa isang bagong lugar. Kasabay ng pag-apak sa lupa ng kaliwa at kanan kong mga paa ang pagdating ng mga bagong tula, hinagap, at larawan na bubuo sa bago kong kuwento.

Mahigpit ang ugnayan ng paglalakad at pagsusulat. Ang pagsusulat ay parang paglalakad ng utak sa papel habang ang paglalakad ay pagsusulat sa aspalto. Sa libro niyang Wanderlust: A History of Walking (2001), ipinaliwanag ni Rebecca Solnit ang malalim na ugnayan ng dalawa. Ayon kay Solnit, ang mga kalsada, daan, o ano mang artipisyal na lakaran tulad ng laberinto, balaot, o mga estasyon ng krus, ay naglalaman ng mga kuwentong maaaring maranasan at maramdaman sa katawan sa pamamagitan ng paglalakad (71–72). Tulad ng mga kuwento, ang mga daan ay hindi mauunawaan sa pamamagitan ng pagtitig lang mula sa malayo. Kailangang bumabad sa kanila nang marahan sa pamamagitan ng paglalakad upang matunghayan ang dahan-dahang pagbunyag ng mga kuwento ng mga ito. Kung ang pagsusulat ay nagpapahintulot sa mambabasa na sundan ang daloy ng isip ng may-akda, hinahayaan din tayo ng mga daan, mga rutang nakamapa, na sundan ang mga yapak ng mga unang naglakad sa mga ito (Solnit 72).
Ginamit at ginagamit ng ilang manunulat na Pilipino ang paglalakad sa kanilang pagsusulat. Halimbawa, ginagamit ng Pambansang Alagad ng Sining na si Ricky Lee ang paglalakad bilang stimulant at metodolohiya sa paghahanap ng materyal para sa kaniyang mga kuwento. Sa libro niyang Trip to Quiapo (2010), inihalintulad ni Lee ang pagsusulat sa paghahanap ng ruta patungo sa Quiapo, ang representasyon ng mahusay na sulatin. Para kay Lee, ang husay ng isang manunulat ay masusukat sa kahandaan niyang lumihis mula sa gaslaw na pamamaraan ng natutuhan niya sa mga nauna sa kaniya. Ang paglihis nito ay inihalintulad niya sa paghahanap ng bagong ruta pununtang Quiapo, isang proyektong mas madaling matatapos sa pamamaraan ng pagbabago sa mga kalsada ng lungsod. (Lee 1–2).
Ang radikal na paglalakad na nagdadala ng mensahe ng protesta, tulad ng lakbayan, ay maituturing na isang “performance art” na pumupukaw sa damdamin ng mga nakasasaksi nito at naging materyal para sa pagsusulat. Sa literary folio na Sandugo (2016) na nilikha bilang tribute sa lakbayan ng humigit-kumulang na tatlong libong Lumad at Moro mula sa iba’t ibang panig ng bansa noong 2016, mapapansin at matalas na pagniniilay ng ilang kontribyutor sa akto ng paglalakad ng mga nagprotesta. “[Y]umuko ako at tumitig sa lupa / ngunit ang lupa ay hindi na lupa / kundi daang sementong may luha,” ang sabi ni Lean Borlongan (8) sa tula niyang “Idaw.”
Litaw rin ang ganitong pagniniilay sa paglalakad at lakbayan sa mga tulang “Pagpapatag ng Bundok” ni Ma. Cecilia de la Rosa at “Epiko sa Lungsod” ni Ipe Soco. Ang paglalakad ng libo-libong Lumad at Moro ay tila naging salamin din ng ilang kontribyutor sa folio na napatingin sa sarili nilang danas ng paglalakad. Sa maikling sanaysay niyang “Kailanman ‘di pipiliin ang usok kaysa malinis na hangin,” inilarawan ni Cathlyn Angelia Rosario ang mismong paglalakad niya papunta sa Kampuhan sa Diliman: “Kahel na ang kanluran noong tinahak ko ang maputik na daan papunta sa Kampuhan. Minasdan kong lunukin ng malambot na lupa at sapatos kong kulay puti ngunit patuloy pa rin ako sa paglalakad, tila ako dayuhan na naninibago sa landas na nilalakaran” (99).
Mapapansin din ang ganitong pagsasalamin sa “Salakniban” ni Sheila Abarra, “Usapan sa Cellphone” ni Rizza Mae Buiza, at “Sa Malayo’y Nagmamasid, Niraramdam ang Paligid” ni Marie Noelle Lumbre.
Wala siguro nang mas malinaw na halimbawa ng ugnayan ng paglalakad sa pook at mga salita kundi ang songlines ng mga Australianong Aborigine. Ayon sa pag-aaral nina Norris at Harney, ang songlines ay mga mapa ng mga tanawing nililikha gamit ang mga salita (1). Sa isang kulturang walang naisulat na wika, ang songlines na inililipat sa iba sa pamamagitan ng pagkanta at pagsasaulo ay nagsisilbing mapang naglalaman ng mahahalagang kaalaman tungkol sa kasaysayan ng mga lugar, mga rutang pangkalakalan, mga sagradong dako, at mahahalagang pangyayari sa kalikasan tulad ng eklipse o paglaki at pagkati ng tubig at dagat (1–2).
Si Bruce Chatwin ang unang gumamit ng salitang “songlines” upang tukuyin sa tradisyong ito ng mga Australianong Aborigine. Binigyang-kulay niya ang kaugaliang ito sa kaniyang librong pinamagatan din niyang Songlines (1987). Sa unang kabanata ng librong iyon, sinabi ni isang kaibigan ni Chatwin, na malaganap ang kaugalian ng songlines sa buong Australia at may kutob siya na kosmolohiya ng mga katutubo doon ay malaganap sa buong Australia ay sagrado (4). Ang songlines ay naglalarawan ng bisa ng pisikal na espasyo bilang nimonikong kagamitan para madaling matandaan ang mga alaala, kuwento, at kaalamang konektado sa mga particular na dako ng lugar (Norris at Harney 1).
Sa Pilipinas, may katutubong kanta ring nakalapat sa mga letra at lugar kung saan kinakanta ang mga ito. Isang halimbawa ang mga kantang ba-liw at dayomti ng mga Katutubong Ikalahan na naninirahan sa bulubundukin ng Cordillera sa Nueva Vizcaya. Walang iisang bersiyon ang ba-liw. Dahil kadalasang kinakanta ito sa mga okasyon, nagbabago ang mga letra nito depende sa pagdiriwang. Bagamat bukas ang kanta sa pagbabago-bago, kailangan kantahin ito nang patula na at sasakong dalawang linyang magkatunog at huling pantig. Kailangan ding puno ang kanta ng mga pagtutulad at alusyon lalo na kapag ginagamit ito upang tawirin ang hindi pagkakaunawaan sa komunidad (Metcalf 13). Higit sa lahat, kailangang alam ng kumakanta ang pangalan ng lugar kung saan siya kumakanta, kasama na ang pangalan ng may-ari ng bahay o lupa pati na rin ng nayon kung saan ginaganap ang pagdiriwang. Lahat ng ito ay itinatahi ng mang-aawit sa kaniyang ba-liw (Metcalf 13–14).
Hindi tulad ng ba-liw na improbisado, ang dayomti ay eksaktong mga letra. Isinasaulo ang mga ito ng matatandang Ikalahan, subalit isinusulat na rin ngayon upang hindi malimutan at upang maipasa sa mga mas batang miyembro ng komunidad (Metcalf 15). Dahil hindi nagbabago ang kanilang mga letra, ang dayomti ay nagsisilbing nimonikong kagamitan, tulad ng songlines ng mga Australianong Aborigine, na nagpapaalala sa nakikinig ng kanila ng kasaysayan at kaalamang bayan nakakabit sa lupang kanilang tinitirahan. Bagamat hindi nagbabago ang kanilang mga letra, malayang ginagamit ng mga Ikalahan ang mga dayomti sa iba’t ibang lugar at okasyon (Metcalf 16). Napakayaman din ng dayomti sa kaalaman tungkol sa lugar kung saan ang mga ito kinakanta kaya’t inihalintulad sila ni Metcalf sa paglalakad. Habang pinakikinggan niya si Sario Oliano na kinakanta ang “Pangingindaykan,” isa sa mga pinakakilalalang dayomti sa Imugan, Nueva Vizcaya, sinabi ni Metcalf na:
I follow his voice as it moves through the song, pausing, quavering, quickening. It moves like a walk through the mountains; fast steps down small hillocks and slow laboured steps up steep rocks do not disturb the steadiness of his song, the easy confidence of someone so familiar with these places after a lifetime spent learning the trails.
(Sinusundan ko ang boses niya na kumikilos sa kanta, tumitigil, nanginginig, bumibilis. Kumikilos itong parang isang lakad sa mga bundok. Hindi natitinag ang mabilis na mga yapak pababa sa maliliit na mga burol o ang mabagal at hinihingal na pag-akyat sa matatarik na mga bato ang kapanatagan ng kaniyang pagkanta. Palagay ang kaniyang loob dahil kilalang-kilala niya ang mga lugar na ito pagkatapos ng buong buhay niyang pag-aaral sa mga daan.; 5, akin ang salin)
Ang mga salitang dumarating sa akin habang naglalakad ay kumakabit din sa tiyak na mga dako at mga daang nilalakaran ko. Hindi iisang beses na maaalala ko ang isang tula o linya ng mga salitang isinulat ko sa aking mobile phone, ilang linggo o ilang buwan na ang nakalipas kapag napapadaan ulit ako sa isang dako ng LB. Halimbawa, tuwing napapadaan ako sa tulay sa ibabaw ng isang sapa ng ilog Molawin na humihiwa sa Andres P. Aglibut Ave., naaalala ko ang pagkalinaw-linaw ang isang gabing napadaan ako roon at nakita ang bilog na bilog na buwan sa pagitan ng malalaking puno. Madilim na madilim ang paligid at saktong walang koryente sa loob ng campus noong gabing iyon kaya tigib ang luningning ng buwan. Hindi ko napigilang mapatula sa Pangasinan.
| Kalabian ed Aglibut | Kagabi sa Aglibut |
|---|---|
| Alay santing mon bulan letaw letaw ed tapew na sarayan bulo-bulong ya binalkot na andekereket ya bilonget leleg ya manag-agos so agko nanengneng ya danum ed dalem na sayan manbokbokor ya taytay. | Napakarikit mo buwan lumitaw sa ibabaw ng mga dahong ito binalot ng itim na itim na kadiliman habang umaagos ang hindi ko makitang tubig sa ilalim nitong nag-iisang tulay. |
Binibigyan tayo ng paglalakad ng iba’t ibang uri ng karanasan. Pinalalalim nito ang espasyo, pinahahaba ang oras, ipinaririnig ang katahimikan, ipinakikita ang mga hindi natin madalas nakikita. Tinutulungan tayo ng paglalakad na mag-isip at, higit sa lahat, magbago ng isip. Nagagawa ng paglalakad ito dahil hinahayaan nito ang katawan na maranasan at makita ang iba’t ibang ugnayan nito sa lugar. Ang nakikita at nararanasan natin habang umaakyat sa isang matarik na burol ay iba sa nakikita at nararanasan natin habang naglalakad pababa sa ilalim ng mga puno, at habang naglalakad sa kapatagan sa paanan ng burol (Gros 15). Lahat ng ito’y maaaring maranasan bilang iisang lakad.
Para sa ilang manunulat tulad ko, ang paglalakad ay namumunga ng mga sulating sumasalamin sa pabago-bagong danas at pagtanaw habang naglalakad. Sa karanasan ko, habang mas bumibilis ang aking pagbabago-bago at nararanasan ko sa paligid habang naglalakad, lalo na kapag naglalakad ako sa lungsod, mas nagiging pira-piraso ang mga hinagap at imaheng dumarating sa akin at ang mga salitang ginagamit ko upang huhilinin ang mga ito. Dahil dito, isang porma ng pagsusulat na madalas maiugnay sa paglalakad at ang collage. Minsan sinasadya ng manunulat na panatilihin ang pira-pirasong hugis ng kaniyang karanasan ng paglalakad sa binuong obra.
Gumamit si Jose F. Lacaba ng collage sa dalawang tula niya tungkol sa paglalakad. Ginamit niya ang collage sa “Ang Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran ni Juan dela Cruz,” subalit litaw ito sa hindi gaanong kilalang tula niya sa Ingles na “The Annotated Catechism.” Ayon kay Conchitina Cruz, ang paggamit ni Lacaba ng collage sa kaniyang tula ay paglihis sa tradisyonal na linear na paraan ng pag-aayos ng karanasan na madalas ginagamit ng mga Pilipinong nagsusulat ng tula sa Ingles at mga historyador na nagsusulat ng nasyonalistang kasaysayan (15).
Litaw rin ang paggamit ng collage sa mga tula ni Vincenz Serrano sa kaniyang mga librong The Collapse of What Separates Us (2010) at When a Map is Folded Cities Come Closer, When Clothes are Unpacked Cities Fall Apart (2016). Sa mga librong ito, isinisidhi ni ibang estratehiya tulad ng paghihiwa, paghihiwalay, at pagsusunod-sunod ng mga linya ayundin ng layout ng mga retrato at teksto sa pahina ang epekto ng collage. Ang mga pahina ng libro ni Serrano ay parang mga kalsada ng Maynila at pagbabasa sa mga libro niya ay nagiging salamin ng masalimuot na paglalakad at pagsusulat tungkol sa lungsod (Serrano 4).
Sa pagsusulat ng collage, tulad ng nararanasan ng isa habang naglalakad, mas mahalaga ang pagiging bukas ng manunulat sa materyal na iniaalok ng kaniyang kapaligiran kaysa sa pagiging maayos at lohikal ng magdidikta sa pupuntahan ng kaniyang sinusulat (Cruz 118). Ang pagiging bukas sa mga stimuli na nanggagaling sa kapaligiran ay kapansin-pansin din sa tula ni Conchitina Cruz na “Pedestrian Studies” na naisama sa koleksiyon niyang There is No Emergency (2015). Bagamat hindi tungkol sa iisang lakad, collage ang tulang ito ng labindalawang mga lakad na ginawa ng manunulat sa iba’t ibang lugar: bawat isang lakad ay tumutumbas sa isang saknong. Walo sa mga saknong nito ay naglalahad ng mga eksperimento sa paglalakad: paggamit sa paglalakad upang isulat ang pangalan ng hangin, pagtitiklop ng mapa at paglalakad sa mga lugar na tinamaan ng tupi, pagsunod sa lakad ng ibang tao, at iba pa. Habang binabasa ko ang “Pedestrian Studies” nahuhuli ko ang aking sariling nangangarap gawin din ang mga eksperimento ni Cruz. Hindi man tahasang sinasabi ng may-akda, inaanyayahan ng tula ang mambabasa na maglakad din at ulitin ang mga lakad, bagay na nagpaalala sa akin sa mga eksperimento ng paglalakad sa metodo ng mythogeography ni Phil Smith.
Sa akin, ang paglalakad ay higit pa sa isang metodolohiya sa pagsusulat. Bago ko pa man matantong maaari ko itong gamitin sa mga eksperimento sa malikhaing pagsusulat, naging kanlungan ito ito mula sa mga sikolohikal at emosyonal na epekto ng pag-alis ko mula sa kinamulatang relihiyon. May epektong terapyutiko sa akin ang paglalakad kaya, tulad ng pagsusulat, ito’y naging isang praktikang paulit-ulit kong ginagawa. Kailangan ko silang gawin. Bukod dito, ang praktika ng paglalakad ay naging paraan ko rin para mas higit na makilala ang mga lugar na sinusubukan kong lipatan. Bilang taong nakaranas ng pag-alis, natural lang na naghanap ako ng mga lugar kung saan ako tatahan, kahit sandali lang. Dahil sa matalik kong relasyon sa paglalakad, noong nagsimula kong seryosohin ang paggamit nito sa aking pagsusulat, naghanap ako ng paraan kung paano ko mas mabibigyang-halaga ang proseso ng paglalakad at pagsusulat na higit pa sa ano mang produktong maaaring mailuwal nila.
Madalas ang literatura ng paglalakad sa Pilipinas at sa ibang bansa ay literaturang sumasalo sa iisang lakad o kalipunan ng ilang lakad na marahil na hindi na muulit o hindi na uulitin. Subalit sa karanasan ko, hindi parating nagluluwal kaagad ng tula o sanaysay ang mga lakad. Madalas ang iniluluwal kaagad nito ay ang mga pira-pirasong hinagap at imaheng hindi magkaugnay. Kaya napatanong ako sa sarili ko: Ano ba ang pinakanatural na pormang sasalo sa materyal na umuusbong mula sa paulit-ulit na paglalakad?
Isa pa, halos lahat ng naisulat gamit ang paglalakad, bagamat marami rito ay nakapagpanatili sa mala-collage na danas ng paglalakad, ay tila nakarating sa nais nilang puntahan. Halos lahat ay may hitsura ng pagiging tapos at solido kaya hindi na magbabago, mga katangiang mahalaga sa tradisyon ng New Criticism. Subalit, tulad ng maraming naratibo ng paglalakad na karanasan ng Pilipino, hindi lahat ng paglalakad ay natatapos. May lakad na uulit-ulitin at malamang ay hindi makararating. Paano natin isusulat ang ganitong mga lakad?
Sa tingin ko, may potensiyal na borador at ang artsibong kalipunan ng mga ito na maging porma ng literaturang mabisang sasalo sa pira-pirasong materyal na lumalabas mula sa paglalakad. Bago ko ito higit pang ipaliwanag, ipakikilala ko muna ang sistema ng pagsusulat na sinusubukan kong buoin siya ring konteksto ng “Mapa ng Los Baños Patungo Sa ‘yo.”
Sinimulan ko ang seryosong pagsusulat sa aking talaarawan noong 2018. Nagsimula ako sa simpleng proseso ng five-minute journal method sa umaga: maglista ng tatlong bagay na ipinagpapasalamat mo, tatlong bagay na gagawin mo ngayong araw, at isang maikling apirmasyon. Nang maglaon, nakulangan na ako ng lilimang minuto lang kaya dinugtungan ko ito hanggang tatlong pahina ng kuwaderno. Araw-araw ko na itong ginagawa simula noon.
Kasabay nito, sinimulan ko ring pag-isipan kung paano ioorganisa ang napakaraming kong tala sa aking smartphone at kompyuter. Naglalakad na ako dati pa at matagal ko nang napansin mabilis ang pagdating ng mga salita kapag naglalakad ako. Mahirap sa akin ang gumamit ng kuwaderno at bolpen habang naglalakad o nakabisikleta lalo na at hapon hanggang gabi ako madalas lumalabas. Kaya itinatala ko ang ano mang dumating sa akin habang naglalakad bilang isang digital note-taking app sa smartphone ko. Marami akong sinubukang app, pero pinakanagustuhan ko ang Obsidian8 dahil sa kalayaang ibinigay nito sa akin sa pag-oorganisa ng aking mga sulatin.
Tinatawag ko ang kalipunan ng aking mga naisulat na iniingatan ko sa Obsidian na “Talahardin.” Salin ito sa “digital garden” na madalas gamitin ng mga gumagamit din ng ganitong sistema ng pagsusulat sa cyberspace (Appleton). Tulad ng “digital gardener,” gumagamit ako ng mga salitang botaniko upang iorganisa ang aking mga tala.
May dalawang prinsipyong nagbibigay-estruktura sa aking mga tala. Una, ang Talahardin ay may iba’t ibang espesye ng mga tala. Upang maunawaan ito, kailangan kong banggitin an ang digital gardening ay inspirado rin ng sistema ng pagsusulat na inimbento ng Alemang sosyolohistang si Niklas Luhmann: ang zettelkasten (o “kahon ng maliliit na papel”) (Ahrens 24). Popular ang zettelkasten sa mga mananaliksik, pero sinubukan kong bumuo ng pasadyang sistema na akma para sa malikhaing pagsulat. Para magawa ito, nagtalaga ako ng iba’t ibang espesye o kategorya ng mga tala na may katumbas na mga tag sa loob ng Talahardin. Maaari itong dumami kalaunan lalo na kapag may mga mamumuong hybrid na mga sulatin na hindi maikakahon sa alin man sa kategoryang ito, pero sa kasalukuyan, ito ang mga espesye sa Talahardin ko:
- thoughts (mga naisip)
- vignettes (mga binyeta)
- poems (mga tula)
- essays (mga sanaysay)
- quotes (mga sipi)
- translations (mga salin)
Ang mga tala ay nasa iisang folder sa Obsidian. Dahil hindi pinaghihiwa-hiwalay ang mga ito, mas lumalaki ang tsansa na umusbong ang bagong mga ugnayan sa pagitan ng bawat isa, mga ugnayang hindi madaling mabatid kung hiwa-hiwalay ang mga tala. Mahalaga sa mga mananaliksik na makita ang mga ugnayang ito, pero mahalaga rin ang kasanayan ito sa malikhaing pagsusulat. Sabi ni Lee: “Ang trabaho ng writer ay magkabit-kabit ng mga elemento. Iyon ang nakikita niya na hindi nakikita ng ibang tao. Pinaglalayo niya ang dapat na magkakabit, at pinagkakabit niya ang dapat na magkahiwalay” (27).
Sa halip na gumamit ng mga subfolder, gumagamit ako ng mga tag upang ipakita ang pagkakaiba-iba ng mga tala batay sa kani-kanilang espesye. Intensyonal ang desisyong ito dahil ang mga pira-pirasong borador at tala sa loob ng Talahardin ay maaaring magluwal ng mga sulating hybrid na hindi maikakahon sa iisang kategorya. Halimbawa, isang prose poem na may katangian ng tula at sanaysay. Kung gagamit ako ng mga folder, saan ko ito ilalagay: sa folder ng tula o sa folder ng sanaysay? Puwede akong gumawa ng panibagong folder na “prose poem,” pero mahirap gamitin ang ganitong solusyon sa mga pira-prasong borador at akdang mas masalimuot at eksperimental na pinaghahalo ang iba’t ibang genre. Para sa akin, praktikal ang paggamit ng mga tag dahil sa halip na ikahon ang mga sulatin sa iisang solidong kategorya, kumakabit lamang sila sa mga ito. Walang hanggahan ang dami ng tag na maaaring ikabit sa isang sulatin.
Nilulutas din ng mga tag ang isyu ng pabago-bagong estado ng sulatin. Sigurodong magbabago ang borador. Halimbawa, kung ang isang prose poem ay naging tula na lamang, puwedeng alisin ang tag na “essays” dito. Kung magkaroon naman ito ng panibagong pormang hindi pa maaaring bigyan ng pangalan ngayon, puwedeng magdagdag ng bagong tag sa borador. Ang mga tag ay parang mga identidad na puwedeng kumapit o kumalas sa isang borador sa pagdaan ng panahon. Sa pamamagitan ng mga tag, malayang magbabago ang identidad ng pira-pirasong tala na iniluluwal ng paglalakad.
Ang pag-uugnay sa iba’t ibang uri ng tala sa loob ng Talahardin ay madali lamang nagagawa sa pamamagitan ng bidirectional linking at embed functions ng Obsidian.9 Sa pamamagitan ng mga ito, maaaring pagsama-samahin ang iisang akda ang iba’t ibang uri ng espesye ng sulatin na nagpapadali sa proseso ng paglikha ng panibagong mga espesye. Tulad ng isang tunay na hardin, ang mga tala sa Talahardin ay nagkakaroon ng simbiotikong ugnayan sa isa’t isa. Halimbawa, pinag-aaralan ko ngayon ang ugnayan ng tula at pilosopiya gamit ang isang hindi masyadong kilalang uri ng pamimilosopiya na tinatawag na “lyric philosophy” o “lyrical philosophy” (Epstein 210–211). Dahil puno ang Talahardin ko ng mga sarili kong tula at galing sa mga pilosopikal na librong binabasa ko, madali kong nakikita ang potensiyal ng pagsasama ng dalawang uri ng pagsusulat sa iisang akda.

Pangalawa, inuuri ko rin ang aking mga tala batay sa kasalukuyang kalagayan ng kanilang pagsulong. Dahil nasa iisang hardin ang mga espesyeng ito, itinuturing ko ang mga naisulat ko bilang mga halamang dahan-dahang tumubo kapag madalas binabalikan. Seeds (o binhi) ang tawag ko sa ano mang mga salitang dumarating sa akin, madalas na pinamamagitan ng petsa sa araw na iyon (halimbawa, “2023-09-09 seeds”). Hangga’t maaari, hindi ko binabago ito dumarating sa mga ito. Isinusulat ko ang mga seed ayon sa kung paano ito dumarating sa ‘kin at iniingatang manatiling ganito. Nakuha ko ang idea ng pagpapanatili sa purong kalagayan ng mga hinagap kay Henry Bugbee. Sa kaniyang talaarawan, sinabi niya:
Get it down. Get down the minute inflections of day to day thought. Get down the key ideas as they occur. Don’t worry about what it will add up to. Don’t worry about whether it will come to something finished. Don’t give it up when faced with the evidence of miscarried thought. Write on, not over again. Let it flow. … Give it a chance. … Let one perception move instantly on another. Where they come from is to be trusted.
(Isulan mo. Isulat mo hangga’t maaari maski ang maliliit na pagbabago-bago ng isip sa araw-araw. Isulat mo ang mga pangunahing idea habang dumarating sila. Huwag kang mag-alala kung matutunguhin sila. Huwag kang mag-alala kung magiging bumuo sila bagay na tapos na. Huwag mo silang itapon kahit maging malinaw na nagkamali ka. Magsulat ka lang. Hayaan mo silang dumaloy…. Bigyan mo sila ng pagkakataon. … Hayaan mong isang pang-unawa ay kagyat na tumuloy sa susunod. Kung saan man sila nanggaling ay mapagkakatiwalaan.; 34, akin ang salin)
Para kay Bugbee, walang pagkakaiba ang pamimilosopiya sa pagtula. Ang pagsusulat ng kaisipan ay katulad din ng pagsusulat ng mga taludtod. Kailangang hayaan ng manunulat ang sariling mabilis na tumalon mula sa isang hinagap patungo sa susunod. Hindi niya mahuhulaan ang susunod na pagdating ng kabatiran dahil may sarili itong buhay. Ang maaaring lamang niyang gawin ay ang saluhin ito at hayaan itong tumubong mag-isa. Kaya mahalaga kay Bugbee na handa ang manunulat na saluhin ang kabatiran ano mang oras ito dumating at hayaan itong idikta ang sarili nitong kapalaran. Ipinahihiwatig ni Bugbee ang pagsusulat na ginagawa natin sa pribadong espasyo ng ating mga talaarawan ay higit na mas mahalaga kaysa sa pagsusulat ng ating mga akdang handa nang ilathala.
Dahil kay Bugbee, nagsimula akong mag-ingat ng aking mga hinagap habang naglalakad. Nilagyan ko ang mga ito ng sariling tag (#seeds) sa aking Talahardin upang makita ang kanilang pagkakaiba sa ibang mga tala. Sa Trip to Quiapo (2010), ginamit din ni Lee ang “binhi” bilang metapora ng pre-writing:
Pero tingnan mo itong parang pagpapatubo ng isang punong-kahoy. Step by step. Seed muna. Pagkatapos ay ang trunk, saka ang mga dahon at ang mga sanga. Saka ang mga prutas…
Sa’yo manggagaling ang seed. Hindi ibibigay sa’yo. Ikaw ang mag-aaral kung paano ito didiligin, patutubuin, palalaguin (24).
Sa kalaunan, ang mga binhi (#seeds) ay magiging mga punla (#seedlings) na itatanim sa Talahardin at babalikan, babaguhin, at iwawasto nang makailang ulit. Minsan, sapat na ang minsang pagbabalik. Pero madalas, kailangan ang ilang beses na pagrerebisa hanggang marating ng tala ang mas hinog nitong anyo: ang mga parating berde (#evergreens).
Ang pagbabalik sa mga sulating naipunla ay katumbas ng pagbabalik sa mga daang nalalakaran. Sa mga Australianong Aborigine, mahalaga ang muling paglaglakad sa mga daan upang manatili sa alaala ang mga katutubong kaalamang nakadikit sa bawat dako ng tanawin. Subalit, hindi lahat ng pag-uulit ay nakatutulong sa pag-aala. Noong 1885, ang Alemang sikolohistang si Hermann Ebbinghaus ay nagsulat tungkol sa obserbasyong tinawag niyang “spacing effect,” kung saan mas naaalala natin ang mga bagay kapag naglagay tayo ng puwang sa paulit-ulit na pagbabalik dito. Kalaunan, ang teknik na ito ay tinawag na “spaced repetition” at ginamit upang pahusayin ang pagtuturo sa mga bata gamit ang mga flashcard (Naqib et al.).
Sa Talahardin, pagkatapos kong maipunla ang mga tala, hindi ko masyadong iniisip kung kailan ko ito babalikan. Hinahayaan kong kusang-loob ang maalala ang mga tala depende sa kung ano ang pinakamahalagang proyekto ko araw-araw. Madalas, ang pinakamahalagang tala ay paulit-ulit na lumilitaw sa araw-araw kong paglalakad, pagdidilig, at pagbubungkal sa Talahardin.
Kapag narating na ng isang piraso ng sulatin ang kategoryang “evergreens,” nangangahulugan itong hindi na ito magbabago sa hinaharap. May katangian na ito ng pagiging tapos (bagamat hindi talaga natatapos) at maaari nang isama sa mga proyektong ilalathala. Sa paglalakad ko sa LB, ganito ko ginagamit ang Talahardin:
- Naglalakad akong mag-isa upang marinig ko nang mabuti ang aking sarili. Ibinubukas ko ang aking sarili sa ano mang maaaring dumating.
- Itinatala ko kaagad ang ano mang mga salitang dumarating ayon sa kung paano sila dumarating. Hangga’t maaari, hindi ko ito binabago.
- Kinaumagahan o sa mga susunod na araw, binabalikan ko ang tala ng mga binhi (#seeds) at ginagamit ko ito bilang panimula ng malayang pagsusulat sa talaarawan.
- Gamit ang naisulat sa talaarawan ngayong araw o noong nakaraang araw, naghahanap ako ng ano mang maaaring ipunla (#seedlings) sa Talahardin.
- Pagkatapos maitanim ang punla, kinalilimutan ko muna ang mga ito. Binabalikan ko lamang ang mga ito kapag maalala ko. Minsan, naglalaan talaga ako ng ilang minuto para balikan ang ano mang naipunla. Ang pagpili ng talang babalikan ay nakadepende sa kung anong mga proyekto o paksa ang nakasasabik na balikan sa araw na iyon.
- Habang binabalikan at nirerebisa ang punla, hinahanapan ko ito ng ugnayan sa ibang mga tala. Ginagamit ko ang bidirectional links upang likhain ang ugnayang ito.
- Binabalikan ko ang mga punla nang paulit-ulit hanggang huminog ang mga ito (#evergreens).
- Kapag kailangan kong magsulat, tinatanong ko muna ang aking sarili: “Anong mga bagay ang naisip at naisulat ko na?” tapos tumitingin muna ako sa loob ng Talahardin upang tingnan kung may mga tala bang maaari kong gamitin bilang panimula ng proyekto.
Ang proseso ring ito ang ginamit ko sa pagsusulat ng sanaysay na ito.

Noong tumimo sa akin ang mahigpit na ugnayan ng tiyak na dako sa isang espasyo at ng mga salitang dumarating sa akin sa paglalakad, nagdagdag ako ng isang uri ng metadata10 sa aking mga tala. Kapag binabalikan ko ang mga binhing isinulat noong nakaraang araw, inaalala ko kung saan eksakto sa mga rutang dinaanan ko dumarating sa iyon. Hinahanap ko sa Google Maps o sa Map View plugin ng Obsidian mismo ang eksaktong lokasyon at kinukuha ang mga coordinate nito na ikinakabit ko sa metadata ng tala.

Sa pamamagitan ng sistemang ito ng pag-oorganisa sa mga sulatin, maraming paraan upang malaala ang mga salitang nakakabit sa particular na mga dako ng LB na nalalakaran ko na. Tuwing binabalikan ko ang mga tala, naaalala ko kung saan sila eksakto sa mapa. Tuwing tumitingin ako sa mapa sa Obsidian naaalala ko ang laman ng tala, at kapag naglalakad akong muli sa mga ruta ko, naaalala ko rin ang mga salitang dumating sa akin doon.
Kung naisasaulo ng mga Australianong Aborigine ang mga tanawin sa pamamagitan ng pauli-ulit na paglalakad sa mga ito, ang mga bagong kuwento rin ng pakikipagkaibigan natin sa lugar, lalo na ngayong dahan-dahan na nating nalilimutan ang halaga nito, ay mangyayari lamang sa pamamagitan ng pag-iingat sa mga kuwentong dumarating sa atin sa daan at pagbabalik nang paulit-ulit sa mga dakong atin nang nalakaran kung hindi man sa pamamagitan ng ating mga paa, ay sa pamamagitan ng ating mga mata. Ang tawag dito ng mga sikolohista ay “spaced repetition.” Ang tawag ko rito ay pag-ibig.
Ang Talahardin ay binuo ng halos puro borador. Mas marami sa mga tala ko ang may tag na seeds (binhi) at seedlings (punla). Sumasang-ayon ako sa depinisyon ni Scandura ng borador na higit na mas malawak sa depinisyon ni ibang mananaliksik tulad ni Biasi (1). Ayon kay Scandura, ang borador o draft, ay anumang artepakto ng manunulat na hindi naimprenta o nailimbag (1). Ibig sabihin, bukod sa mga naunang kopya ng manuskrito, borador na rin ang mga maiiklng tala o planong konektado sa libro, naisulat man ito sa papel o sa kompyuter. Habang umuunlad ang teknolohiyang ginagamit natin sa pagsusulat, mas lumawak din ang saklaw ng salitang borador. Maski nga ang mga naisip o naranasan lamang ngunit hindi naisulat ay masasabing kabilang na rin sa kategoryang ito (Scandura 5).
Ang pinakanamumukod-tangi sa lahat ng katangian ng borador ay ang pagiging hindi tapos nito. Maski ilang libong taon ay lumipas, basta naiingatan ito, buhay ang borador dahil sa pagiging hindi nito. Ang katangiang ito ng borador ay humahamon sa nangingibabaw na pananaw tungkol sa kung ano ang literatura. Ang tanong na iniaalok ng borador sa atin bilang mga manunulat ay ito: hindi ba’t lahat ng sulatin ay hindi naman talaga natatapos?
Ang matinding pagnanasa na tingnan ang isang proyekto sa pagsulat bilang isang solidong bagay na tapos na at hindi na kailan man maaaring baguhin ay isang modernong pagkiling na lumitaw lamang sa Kanluran noong ika-20 siglo dahil sa New Criticism (Scandura 42). Bago nito, batid ng karamihan ng mga manunulat sa Kanluran na hindi kailan man natatapos ang isang sulatin (Scandura 41). Modernong idea na fair copy, o kopya ng teksto pagkatapos ng mga pagrerebisa rito, na nagnanasa ng kawalasan at kung gayo’y pagiging permanente, ng isang sulatin (Werner 63). Sa kabilang banda, ang borador ay sumasalamin sa pananiniwalang kong totoong kalikasan ng ano mang uri ng sining: ang pagiging hindi tapos, parating kumikilos, at parating nagbabago (Werner 61). Ang isang piraso ng sulatin ay isang buhay na organismong lumalaki, lumawak, at umaangkop sa mga pagbabago ng kapaligiran nito. Hindi ito isang fossil.
Nakakabit din ang pagnanais na matapos ang isang obra sa modernong mga hangaring inspirado ng propesyonalisasyon at komersiyalisasyon ng pagsusulat. Ang akdang tapos ay maaaring ipublish. Ang naipublish ay maaaring bumenta o tumulong sa pag-angat ng katayuan ng manunulat sa trabaho, sa mga katulad niyang manunulat, o sa kaniyang mambabasa, bagay na magreresulta rin sa mas maraming benta (Cruz 150). Kapag mabilis ang pag-unlad ng isang sulatin mula borador patungong fair copy, mas mabilis ding makakamit ng manunulat at mga benepisyong dala sa produksiyon ng literatura. Samakatuwid, ang paglikha ng literaturang tapos at kompleto ay pumapabor sa fair copy at lumalayo sa borador at sa mga mala-borador na sulatin.
Ang ilan oral na panitikan, tulad ng ba-liw ng mga Ikalahan, na umiiral bago pa man dumating ang mga mananakop at umiiral hanggang ngayon ay malapit ang katangian sa borador kaysa modernong fair copy. Walang iisa at pinal na bersiyon at marami ang oral na panitikan ng Pilipinas; nagbabago ang mga ito depende kung ano ito depende sa panahon at bukas sa impluwensiya ng nagbabagong lipunan. Ang pagsasapinal ng oral na panitikan ay nakabatay sa mga prosesong nangyayari sa lipunang ginagawaran nito sa kasalukuyan, pero walang katiyakang hindi na ito magbabago sa mga susunod na panahon (Metcalf 12–14).
May ganitong katangian din ang dagli. Ayon kay Tolentino, ang dagli na naging popular noong unang dekada ng ika-20 siglo ay nagsimula bilang romantikong alay na mga paraluman (Weder-weder Lang! 21). Bagamat tila naglaho ang una nitong porma dahil sa pagdating ng mga Americano, sa katunayan, “[a]ng dagli naging tabloid naging boxed stories sa front pages ng human interest at feature stories sa pahayagan at column, headline sa telebisyon naging kalakaran ng paggawa ng anumang infrastruktura sa bansa” (22). Kalaunan, nagpalit ito ng pangalan, naging “anekdota, slice-of-life, day-in-life” at sa kasalukuyan, patuloy na nabubuhay sa mga tweet, comment, at post sa social media (Tolentino, Maiklingmaikling Kwentong 117).
Minsan, ang mga borador ay ipinapublish din at naisama pa nga sa kanon ng literatura. Kompara sa libro niyang Walden, naniniwala ang ilan na ang mga talaarawan ni Thoreau, na kaniyang ginamit para sa kaniyang mga lektura at patuloy na nabubuhay bilang libro at sanaysay—ang tunay niyang magnum opus (Wulf). Sa Pilipinas, inilimbag ang Makamisa, ang tinaguriang ikatlong nobela ni Rizal kahit na hindi ito natapos. Bukod sa mga borador na nailathala at tinatanggap na parte ng panitikan, mayroon ding ilang porma ng pagsusulat na mala-borador ang katangian. Ayon kay Scandura, ang “streams of consciousness” sa prosa nina William James, Virginia Woolf, at James Joyce ay mala-borador. Binanggit din niya ang mga tula ni Frank O’Hara sa libro nitong Lunch Poems na pawang pinagtagpi-tagping hinagap habang naglalakad (5).
Dahil sa laman nito ay halos pawang mga borador, ang Talahardin ay maituturing na ring isang artsibo—isang personal na artsibo. Bilang isang artsibo, hinihiram nito ang katangian ng kahinagan ng isang sulatin (Scandura 12). Sa Talahardin, maski ang mga sulating may tag na evergreens ay maaari pa ring magbago. Ang tag na ito ay tumutukoy lamang sa kahinagan ng isang sulatin at hindi sa pagiging tapos nito. Sa katunayan, ibinabalik ko sa minsan isang talang may tag na evergreens sa tag na seedlings kung dumarating ang bagong hinagap na humihingi ng karagdagang pagbabago. Ang layunin ng pagbabalik sa mga naipunlang sulatin ay hindi upang tapusin kundi upang panatilihin ang mga ito na parating akma, buhay, at kapaki-pakinabang sa aking pagsusulat.
Madali ang pagsasaborador ng mga sulatin kapag nasa digital. Habang mas nagiging mura at demokratiko ang teknolohiyang ginagamit sa pag-iisip at pagsusulat, mas nagiging madali ang paggamit ng borador. At dahil madaling gumamit ng borador, mas madaling nakikita ng manunulat nakikita ng kalipunan ng kaniyang mga sulatin bilang isang artsibo. Sa kasaysayan, ang papel na borador ay naging posible lamang pagkatapos maimbento ang pag-iimprenta (Stallybrass 5). At noong naging murang-mura ang presyo ng papel at ipinakikila ang makinilya, bumilis ang produksiyong ng literatura dahil mas naging mura at madali ang pagsubok ng ibat’t ibang pamamaraan ng pagsusulat at pagbabagong-isip (Scandura 27). Sa kasalukuyan, dahan-dahan nawawala ang papel sa panganorin. Mas madali nang magparami ng borador gamit ang kompyuter at hindi kailangan parating iimprenta ang mga borador sa papel. Ibig sabihin, dahil sa mura at demokratikong teknolohiya, mas nagiging madaling tingnan ang praktika ng malikhaing pagsulat bilang isang dinamikong prosesong kumikiling sa pagiging hindi tapos ng mga sulatin.
Pagbabago ang prinsipyong iniunang ng Talahardin. Ang mga borador at ang mismong code ng mga app na ginagamit ko para itayo ang Talahardin ay maaaring baguhin ano mang oras (Gitelman 69–70). Dahil open source ang Obsidian at Quartz, kailangan ko lamang matutuhan ang programming at madali ko nang mababago ang code ng mga ito. Samakatuwid, ang teknolohiya sa likod ng Talahardin na naglalaman ng mga borador ay pawang borador din.
Ang pagiging pira-piraso, mala-borador, at paggamit ng open source na teknolohiya ay nakatutulong din sa pagsulong sa isa pang mahalagang katangian ng Talahardin: ang pagiging bukas nito sa publiko. Kung ang nailimbag na akda ay borador pa rin dahil maaari pa rin itong magkaroon ng panibagong mga edisyon, ano ang pagkakaiba nito sa ibang borador? Ang pagiging limbag nito (Taha 159).
Bagamat halos pawang borador ang laman ng Talahardin, nagpasya akong ibahagi ito sa publiko gamit ang aking website.11 Ginawa ko ito dahil naniniwala ako sa mga benepisyong maidudulot ng pagsusulat sa harap sa iba maski hindi pa tapos ang isinusulat. Malaki ang naitulong sa akin ng pagbabasa ng mga talaarawan ng manunulat upang maintindihan ang ugnayan ng kasanayan ng pagsusulat at ang produkto nito. Sa pananaw ko, kailangang maintindihan na kapag nagsisimula pa lang sila—na maintindihan na sa pagsusulat, mas mahalaga ang proseso kaysa produkto.
Isa pa, kailangan ng mga manunulat ng mga modelong tutularan at sa pamamagitan ng paglilimbag ng mga gawang hindi pa tapos, natutulungan ang mga batikang manunulat ang mga baguhan na makita ang proseso ng paglikha. Nauunawaan nilang ang proseso ng pagsusulat ay gumugol ng mahabang panahon at ito’y isang kasanayang dahan-dahang nalilinang. Ginagawa na ito ng maraming mananaliksik sa ibang larangan,12 kaya bakit hindi puwedeng gawin sa malikhaing pagsulat? Sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga iniwang borador at mala-borador na sulatin ng mga paborito nating manunulat, hindi lang lumalalim ang pag-unawa natin sa kasanayan at ang produkto nito, higit sa lahat, ang buhay na pinagdaanan bago nailuwal ang mga akdang kinagigiliwan natin.
Dahil inilalathala nito ang mga sulating hindi tapos habang patuloy silang nagbabago at umuunlad, pinalalabo ng Talahardin ang hanggahan ng borador at nailathalang literatura. At dahil dito, pupukaw tayo ng Talahardin na tanungin ang ating mga sarili kung dapat bang ituring na tapos, solido, buo, at nakalimbag ang ano mang sulating nararapat isama sa kategorya ng panitikan.
Sa karanasan ko, na karanasan din ng ibang gumagamit sa paglalakad bilang metodolohiya ng pagsusulat, ang akto ng paglalakad ay madalas nanganganak ng mga uri ng sulating pira-piraso, hindi magkakaugnay, at hindi tapos. Sa madaling sabi, ang paglalakad ay nagbubunga ng mga borador. At bakit hindi? Ang paglalakad, tulad ng borador, ay parating bumibiyahe, parating nasa gitna, parating nasa isang liminal na estado. Tama lang na maglawo ito sa mga kaisipang sumasalamin din sa mga katangian nito bilang metodolohiya.
Hinihingi ng metodolohiya ng paglalakad ang seryosong pag-aaral sa borador at artsibo tulad ng Talahardin bilang mabisang porma ng panitikan na sasalo sa materyal na iniluluwat nito. Dahil mahabang proseso ang pagsusulat, mahalaga ang ginagampanan ng borador sa pagsulong. Gamit ang borador, nabubuksan at mas naiintindihan at naisapinal ang bersiyon ng isang akda. Tulad ng ipinaliwanag ko sa itaas, ang pagiging pinal ng anumang sulatin ay maaari pa ring ituring na borador para sa panibagong edisyon nito (Taha 159). Ang ginagawa ng isang sistema ng pagsusulat tulad ng Talahardin at sanaysay na ito ay nagtatayo ng estruktura gamit ang mga teknolohiya upang maisapraktika ang mala-borador na katangian sa lahat ng uri ng pagsusulat. Sa tingin ko, ang pinagsamang praktika ng paglalakad at pagsulat ay mas madaling matutulungan ng isang poetikang tumitingin sa kalipunan ng mga akda ng isa bilang artsibong umiinog sa mga prinsipyo ng pagkakapira-piraso, pagbabago, at hindi pagiging tapos.
Sa kasalukuyan, personal na sistema ko lang ang Talahardin at sa sanaysay na ito ko unang idinetalye ito. Pero habang ginagamit ko ang Talahardin at isinapubliko ang mga borador ko, naiisip ko rin kung paano ito maaaring gamitin ng iba. Maaaring hiramin ng ibang manunulat na nais mag-eksperimento sa paglalakad, borador, at artsibo ang sistema ng pagsusulat ng Talahardin?
Meron. May ilang manunulat na siniserialize ang mga libro nila sa kanilang website sa halip na ilathala ito nang minsanan. Ang ibang mambabasa ay nagbabayad para lang masa ang susunod na kabanata ng librong ito o magbabayad ulit kapag inilathala na ang pinal na bersiyon ng libro.13 Ang ibang manunulat naman ay nagsusulat na online na talaarawan tungkol sa proseso ng kanilang pagsusulat. Paywalled o may bayad ang mga content na ito at handang magbayad ang ilang mambabasa para lang makita ang “behind the scenes” na proseso ng paborito nilang mga manunulat. Marami sa mga handang tumangkilik sa mga borador at mala-borador na mga akdang ito ay mga manunulat ding nais matuto sa proseso ng tinitingala nilang awtor.14 Sa Pilipinas, ginagawa ito ni Edgar Calabia Samar. Nasubukan kong maging miyembro ng Patreon page niya kung saan siya nagpapapublish ng mga “works in progress” o serialized na mga akdang hindi pa tapos.15 Bagamat mas hugis pinal ang ibinabahagi nila kaysa sa mga sulating makikita sa Talahardin, patunay ang ginagawa ng mga manunulat na ito na may mga mambabasang interesado sa borador at sa mga mala-borador na akda. Subalit, bilang isang anyo ng elektronikong literatura, paano lulugar ang Talahardin sa isang cyberspace na may mga platform na ninupuntahan ng maraming mambabasa tulad ng blog, social media, at Wattpad?
Sa mga Pilipinong nagbabasa na, hindi maaaring ikailang lumaki ang ginagampanan ng elektronikong literatura sa pagdaan ng panahon. Mas maraming panahon ang ginugugol nating Pilipino online at sa kanilang gadget natin kaysa sa totoong buhay (Dela Peña). Kung ngbabasa man tayo, madalas ginagamitan ito ng kanilang mga gadget natin. May mga Pilipinong mahilig ding magbasa sa kanilang e-reader tulad ng Kindle o Kobo.16 Bagamat sales ng nailimbag na mga libro sa buong mundo (Curcic) ay nagpapahiwatig sa malayo pa tayo sa prediksyon ni Robert Coover noong 1992 na “Katapusan ng mga Libro” (The End of Books), dumarami nang dumarami ang nagbabasa sa kanilang mga gadget maski sa Pilipinas kaya’y kailangang seryosong pag-isipan nating henerasyon ng mga mambabasa at ang mga uri ng elektronikong literatura na huhubugin natin bilang mga manunulat para sa kanila.
Mahalaga rin ang ginagampanan ng elektronikong literatura para sa mga lugar at grupong hindi naaabot o nagkukulang sa mga libro. Nagulat ako nang malaman ng pamangkin kong nag-aaral sa isang pampublikong elementarya sa Baguio na hindi raw sila gumagamit ng libro. Puro moduyl na ipinadadala sa kanilang mga guro online at binabasa nila ngayon. Malamang epekto nito ng pandemya na nagbukas sa kamalayan ng marami sa atin sa potensiyal ng elektronikong media. Sa Pangasinan naman, halos walang mabasang literatura sa wikang Pangasinan kaya walang malinaw na modelo ng palabaybayan at wika sa kasalukuyan. Dahil dito, hindi komportable ang marami sa aming mga Pangasinense na magsulat sa sarili naming wika. Sa pamamagitan ng mga influencer na biglang sisikat sa Facebook dahil sa kanilang post o vlog sa wikang Pangasinan, nagkakaroon na ng kumpiyansa ang maraming follower ng mga influencer na ito na magkomento gamit ang sarili nilang wika, na siya namang nagpapalabas sa nakatagong ortograpiya ng wikang Pangasinan. Kung mahalaga ang ginagampanan ng elektronikong literatura sa pagpapayabong ng pagbasa at pagsusulat ng mga Pilipino hindi lamang sa Ingles at Filipino kundi pati sa mga wikang rehiyonal, paano natin mas mapagyayaman pa ang mga uri ng elektronikong literatura na mayroon tayo?
Ang pinakaunang mga webpage noong dekada 1990 ay mala-hardin: ang isang pahina ay konektado sa iba pa. Ang “hypertext garden” na tawag sa mga webpage na ito ay parang mga laberinto na bagamat may iisang pasukan (ang home page) ay napakarami namang lugusan kaya hindi ito magagalugad gamit lang ang iisang daan. Tulad ng laberinto, ang hypertext garden ay nag-uudyok sa mambabasa na maglakad sa ibat’t ibang lugusan, pumili ng sarili niyang ruta, maghanap ng panibagong mga daan, at maghabad sa hardin ng mga salita. Upang hindi siya mawala, nagbigay ng kaunting gabay gamit ang isa o dalawang talata na may “hyperlink,” mga salitang kulay asul at kapag pinindot ay ililipat ka sa ibang webpage. Ayon kay Mark Bernstein, “Unplanned hypertext sprawl is wilderness: complex and interesting, but uninviting. Interesting things await us in the thickets, may we be reluctant to plough through the brush, subject to thorns and mosquitoes.” (“Ang walang planong paglalakad sa hypertext ay paglalakad sa ilang: masalimuot at kaakit-akit, pero mag-aantay ka ng sorpresa sa may dawagan, pero nag-aatubili tayong hawanin ang daang puno ng mga tinik at lamok.” akin ang salin). Ito ang hitsura ng internet noong nagsisimula pa lang ito: hindi linear, at halip pira-piraso, collage, parang mga daang nilalakaran.
Nagbago ang tanawin ito ng internet noong ipinakilala ang Moveable Type noong 2001, isang content management system (CMS) na lubhang pinadali ang paglikha at pagpapanatili ng mga web diary. May mga nagbabahagi na ng kanilang web diary bago pa dumating ang Moveable Type, subalit napakahirap gumawa at magpanatili nito kaya hindi ito sumikat. Noong 1999, dalawang taon bago dumating ang Moveable Type, dalawampu’t tatlong web diary lamang ang naiulat sa buong mundo. Dumami ito hanggang 1,285 noong 2000 at naging mga web blog na ang tawag sa kanila dahil nagsisimula nang lumayo ang mga ito mula sa personal na mga paksang tipikal sa diary (Hoy).

Dahil sa Moveable Type, mas dumami pa ang mga web blog sa internet at dahan-dahang pinalitan ang mga hypertext garden, laberinto, o hardin, ang internet ay nagsimulang maging ilog na umaagos sa iisang linear na daluyan. Ang mga webpage ay unti-unting nagbago. Ang mga home page na parang talaan ng mga nilalaman ay napalitan ng listahan ng mga webpage na naorganisa hindi ayon sa ugnayan ng mga ito sa ibang webpage kundi ayon sa petsa kung kailan ito nilikha (Hoy). Ang webpage ay tinawag nang “post,” isang pangalang nagdiriin sa pagiging bago nito, at ang pinakabagong post ay inilalagay sa itaas ng listahan kung saan madali itong makita, samantalang ang mga lumang post ay ibinabaon sa ilalim. Ang internet ay pumasok na sa “Chronological Sort Era” na siya namang pinanggalingan ng konsepto ng feed ng mga social media platform (Hoy). Sa blog at feed ng social media, ang pagiging bago ng content ang binibigyan ng importansiya. Gaano man kahusay at kahalaga ng isang sulatin, maibabaon ito sa limot kung hindi ito bago. Ang ilog ay nagsimulang rumagasa.
Mahalaga ang ginagampanan ng blog at social media platform, kasama na rin ng Wattpad na parang social media platform ng mga mahilig magbasa, sa pag-unlad ng elektronikong literatura hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Subalit may mga limitasyon ang kasalukuyang naghaharing sistema ng pag-ooranisa ng mga isinusulat at binabasa natin online na maaaring punan ng pagbabalik sa substansiya ng orihinal na mga hypertext garden. Sa sanaysay niyang “The Garden and the Stream: A Technopastoral,” tinawag ni Mike Caufield ang blog at feed na “stream.” Ayon kay Caufield, ang stream ay magaling na pag-uugnay ng ibat ibang tao dahil tulad ng mga sinaunang ruta ng mga bangka, ikinokonekta nito ang ibat ibang grupo ng mga netizen kaya nagkakaroon ng “conversational web” ang internet. Subalit, dahil dumadaloy ang stream mula sa isang tao o iisang grupo ng tao, malaki ang potensiyal na humaluman ang mga nasa stream sa iisang boses o iisang opinyon. Ayon kay Caufield, bagamat pinagdurugtong ng mga hidwaan at pagkakahati ng lipunang puno ng mga taong magkaiba at paniniwala. May kailangang ginagampanan ang stream. Pero kailangan din ng mahalagang alternatibong sistema ng pagsusulat at pagbabasa na magpupuno sa mga pagkukulang nito at magbabalanse sa nakapipinsalang epekto (Caufield).
Sa tingin ko, may mahalagang tungkuling gagampanan ang pag-usbong at pagbabalik ng mga mala-hypertext garden at teknolohiya tulad ng Obsidian at Quartz na tinutuntungan ng Talahardin sa pagpapayabong ng alternatibong mga paraan ng pagbabasa sa internet. Sa mundo na halos tayo ay mga content creator, mahalagang tawirin natin ang pagkahumaling natin sa kung ano ang “bago” upang makarating tayo sa kung ano ang “totoo.” Ang Talahardin ay hindi lamang isang kagamitang naglalathala ng mga sulatin; isa rin itong kagamitan tumutulong sa manunulat na tumahimik, mag-isip at malaman, tumingin sa pagkakaugnay-ugnay ng mga naisulat at ang ugnayan ng mga ito sa mga isinulat ng iba. Isa pa, bilang isang platform na nagsasarili, diskonekted ito sa mga problemang kinabitin sa mga social media company na may malalaking motibong komersiyal: hindi ito ipinagbibili at privacy natin sa mga advertiser, hindi tayo tinitiktikan, at higit sa lahat, mananatili ito kahit wala na ang social media platform na kinahuhumalingan ngayon, bagay na nangyari sa ilang social media platform noon tulad ng Friendster o MySpace.
Oo, tulad ng ninuno nitong hypertext garden, sa umpisa ay mahirap maakit ang masukal na mga daan ng Talahardin. Subalit wala naman talagang madali sa pagsusulat. Naghahanap at sumusubok tayo ng bagong mga pamamaraan hindi para maging madali ang lahat kundi para malalim itong maiksing pag-iral nating lahat sa mahabang paglalakad ito ng buhay.
Naiinspire ako sa mga katulad kong manunulat na prodyuser din ng kanilang mga akda—mga manunulat na nagseself-publish at nagbebenta ng sarili nilang zine at aklat. Sa isang post-print na mundo na mas marami ang ang naglalakad kaysa pahinang papel, siguro ang manunulat at hinaharap ay matututo na rin ng programming, kakawala mula sa makipot na mga estruktura ng malalaking social media platform, at lilikha ng sariling niyang platform kung saan siya ang magsusulat at magpapahamagi sa sarili niyang mga akda online. Ito ang nakikita kong maaaring patunguhan ng Talahardin. Pero ang pangitaing ito ay borador din.
Mapa ng Los Baños Patungo Sa ‘yo17

Mga Sanggunian
Agoncillo, Teodoro. History of the Filipino People. 8th ed., C & E Publishing, Inc., 2012.
Ahrens, Sönke. How to Take Smart Notes: One Simple Technique to Boost Writing, Learning and Thinking – for Students, Academics and Nonfiction Book Writers. CreateSpace Independent Publishing Platform, 2017.
Appleton, Maggie. “A Brief History & Ethos of the Digital Garden.” Maggie Appleton, https://maggieappleton.com.
Arenas, Miguel, et al. “The Early Peopling of the Philippines Based on mtDNA.” Scientific Reports, tomo 10, blg. 1, 2020, https://doi.org/10.1038/s41598-020-61793-7.
Biasi, Pierre-Marc De at Ingrid Wassenaar. “What Is a Literary Draft? Toward a Functional Typology of Genetic Documentation.” Yale French Studies, blg. 89, 1996, pp. 26–58, https://doi.org/10.2307/2930337.
Bugbee, Henry. The Inward Morning: A Philosophical Exploration in Journal Form. The U of Georgia P, 1999.
Caufield, Mike. “The Garden and the Stream: A Technopastoral.” Hapgood, 17 Okt. 2015, https://hapgood.us/2015/10/17/the-garden-and-the-stream-a-technopastoral/.
Coover, Robert. “The End of Books.” The New York Times, 21 Hun. 1992, https://archive.nytimes.com/www.nytimes.com/books/98/09/27/specials/coover-end.html?pagewanted=all.
Corpuz, Arturo G. The Colonial Iron Horse: Railroads and Regional Development in the Philippines (1875–1935). U of the Philippines P, 1999.
Cruz, Conchitina. Authoring Autonomy: The Politics of Art for Art’s Sake in Filipino Poetry in English. 2016. University at Albany, State University of New York, https://www.proquest.com/openview/a9ed1f639df33d0d2c175f668dcffd37/1?pq-origsite=gscholar&cbl=18750.
Curcic, Dimitrije. “Global Book Sales Statistics.” Wordsrated, 26 Enero 2023, https://wordsrated.com/global-book-sales-statistics/.
Dahlstrom, Daniel O. “Throwness (Geworfenheit).” The Heidegger Dictionary. A&C Black, 2013, pp. 212–215.
Dela Peña, Kurt. “PH Social Media Craze: 77% of Filipinos More Engaging Online than in Real Life.” INQUIRER.Net, 2 Peb. 2023, https://newsinfo.inquirer.net/1724608/.
Détroit, Florent, et al. “A New Species of Homo from the Late Pleistocene of the Philippines.” Nature, tomo 568, blg. 7751, Abril 2019, pp. 181–186, https://doi.org/10.1038/s41586-019-1067-9.
Epstein, Mikhail. “Lyrical Philosophy, or How to Sing with Mind.” Common Knowledge, tomo 20, blg. 2, 2014, pp. 204–213, https://doi.org/10.1215/0961754X-2422899.
Foreman, John. The Philippine Islands: A Political, Geographical, Ethnographical, Social and Commercial History of the Philippine Archipelago Embracing the Whole Period of Spanish Rule With an Account of the Succeeding American Insular Government. ikatlong ed., Project Gutenberg, 2007.
Gaillard, Jean-Christophe, at Joel P. Mallari. “The Peopling of the Philippines: A Cartographic Synthesis.” Hukay: Journal of the University of the Philippines Archaeological Studies Program, tomo 6, 2004, pp. 1–27. https://shs.hal.science/halshs-00119458/.
Gros, Frédéric. A Philosophy of Walking. Verso, 2014.
Hoy, Amy. “How the Blog Broke the Web.” Stacking the Bricks, https://stackingthebricks.com/how-blogs-broke-the-web/.
Kirsch, Scott. “Aesthetic Regime Change: The Burnham Plans and US Landscape Imperialism in the Philippines.” Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints, tomo 65, blg. 3, 2017, pp. 315–356, https://doi.org/10.1353/phs.2017.0021.
Lee, Ricky. Trip to Quiapo: Scriptwriting Manual. Anvil Publishing, 2010.
Lisa, Gitelman. Paper Knowledge: Towards a Media History of Documents. Duke UP, 2014.
Maracke, Catharina. “Free and Open Source Software and FRAND-Based Patent Licenses.” The Journal of World Intellectual Property, tomo 22, blg. 3–4, 2019, pp. 78–102, https://doi.org/10.1111/jwip.12114.
Metcalf, Kate Johnson. Erode You Mountains: Singing Citizenships in the Ikalahan Ancestral Domain. 2014. U of London, https://www.academia.edu/15228821/.
Mijares, Armand Salvador, et al. “New Evidence for a 67,000-Year-Old Human Presence at Callao Cave, Luzon, Philippines.” Journal of Human Evolution, tomo 59, blg. 1, Hul. 2010, pp. 123–132. https://doi.org/10.1016/j.jhevol.2010.04.008.
Naqib, Faisal, et al. “Molecular Determinants of the Spacing Effect.” Neural Plasticity, tomo 2012, Mar. 2012, pp. 1–8, https://doi.org/10.1155/2012/581291.
Norris, Ray P. at Bill Yidumduma Harney. “Songlines and Navigation in Wardaman and Other Australian Aboriginal Cultures.” Journal of Astronomical History and Heritage, tomo 17, blg. 2, 2014, pp. 1–15, https://doi.org/10.48550/arXiv.1404.2361.
Richardson, William J. Heidegger: Through Phenomenology to Thought. Martinus Nijhoff Publishers, 1963.
Sandugo: Kampuhan sa Diliman 2016 Literary Folio. Kusog sa Katawhang Lumad sa Mindanao (KALUMARAN) / Save Our Schools Network - UP Diliman / Saura Bangsamoro / Sandugo Alliance / Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP Diliman) / Katagа, 2016.
Santos, Ana P. “The Sumilao Farmers, a Decade after They Marched for Their Rights.” Rappler, 15 Okt. 2017, https://www.rappler.com/moveph/.
Scandura, Jani. “The Matter of Drafts.” Oxford Research Encyclopedia of Literature, pinatnugutan ni Paula Rabinowitz, Oxford UP, 2020, https://doi.org/10.1093/acrefore/9780190201098.013.205.
Serrano, Vincenz. Eskinita and Other Poems and Form, Historiography, and Nation in Nick Joaquin’s Almanac for Manileños. 2011. U of Manchester, https://pure.manchester.ac.uk/ws/portalfiles/portal/54511903/FULL_TEXT.PDF.
---. The Collapse of What Separates Us. High Chair, 2010.
---. When a Map Is Folded Cities Come Closer, When Clothes Are Unpacked Cities Fall Apart. High Chair, 2016.
Schilbrack, Kevin. “The Concept of Religion.” The Stanford Encyclopedia of Philosophy, pinatnugutan ni Edward N. Zalta, Summer 2022, Metaphysics Research Lab, Stanford U, 2022. Stanford Encyclopedia of Philosophy, https://plato.stanford.edu/archives/sum2022/entries/concept-religion/.
Smith, Phil. Mythogeography: A Guide to Walking Sideways - Compiled from the Diaries, Manifestos, Notes, Prospectuses, Records and Everyday Utopias of the Pedestrian Resistance. First Edition, Triarchy P, 2010.
Solnit, Rebecca. Wanderlust: A History of Walking. Penguin Books, 2001.
Stallybrass, Peter. “Printing and the Manuscript Revolution.” Explorations in Communication and History, pinatnugutan ni Barbie Zelizer, Routledge, 2008, pp. 111–118.
Taha, Ibrahim. “Literary Draft: The Semiotic Power of the Lie.” Semiotica, tomo 2004, blg. 152-1-4, Nob. 2004, pp. 159–177, https://doi.org/10.1515/semi.2004.2004.152-1-4.159.
Thoreau, Henry David. The Journal of Henry David Thoreau, 1837–1861, pinatnugutan ni Damion Searls, Ilustradong ed., NYRB Classics, 2009.
Tolentino, Rolando B. “@RTDAGLI: Maiklingmaikling Kwentong SMS at Tweets.” Unitas, tomo 90, blg. 1, 2018, pp. 114–124, https://unitasust.net/wp-content/uploads/2018/07/UNITAS-90-1-Rolando-Tolentino-RTDAGLI.pdf.
---. “Weder-weder Lang! Ang Materialidad ng Panahon at Espasyo ng Dagli.” Ang Dagling Tagalog (1903–1936), pinatnugutan nina Rolando B. Tolentino at Aristotle J. Atienza, Ateneo de Manila UP, 2007, pp. 21–29.
Werner, Marta L. “‘Reportless Places’: Facing the Modern Manuscript.” Textual Cultures, tomo 6, blg. 2, 2011, pp. 60–83, https://doi.org/10.2979/textcult.6.2.60.
Wulf, Andrea. “‘Walden’ Wasn’t Thoreau’s Masterpiece.” The Atlantic, 6 Oct. 2017. The Atlantic, https://www.theatlantic.com/magazine/archive/2017/11/what-thoreau-saw/540615/.
Footnotes
-
Para sa buong mapa ng Los Baños, tingnan ang Larawan 1. ↩
-
Plugin ang tawag sa isang piraso ng software na isinasalpak sa isa pang software, na madalas ay mas malaki kaysa sa plugin, upang magdagdag ng mga function na hindi sinisira ang code nito. ↩
-
Open source ang tawag sa isang uri ng software na bagamat may copyright holder ay may lisensiyang hinahayaan na sinumang gumamit nito na baguhin at ipamahagi ang mga nabagong bersiyon nang walang bayad. Ang terminong “open source” ay tumutukoy sa pagiging bukas ng code ng software sa publiko. Dahil dito, lahat ng nais tumulong sa pagpapanatili at pagpapaunlad ng software ay maaaring makibahagi nasaan man sila sa mundo. Ang prinsipyo ng open source ay naging gabay sa mga programmer noong kasagsagan ng pag-iimbento ng mga software noong dekada 1950 hanggang 1960. Nabaon sa limot ang prinsipyong ito dahil sa komersiyalisasyon ng software noong dekada 1970 hanggang 1980. Ang code ng maraming computer program at mobile app na ginagamit natin sa araw-araw, kasama na ang mga social media site tulad ng Facebook, X (dating Twitter), at Instagram, ay hindi open source code kaya wala tayong kapangyarihan bilang mga konsumer na makisangkot sa pagpapaunlad ng mga ito. Dahil nakatago ang mga code, maaaring maglagay ang mga developer ng mga function na nagkokompromiso sa privacy at kalusugan ng mga konsumer habang nasa app ito. Ang ilan sa mga function nito ay ad targeting na nagtitiktik sa mga kilos ng mga konsumer habang nasa app upang mas akma ang mga ad na ilalabas sa mga feed nila. Nariyan rin ang mga algorithm na naghahain ng mga popular ngunit mapanganib na payong pangkalusugan. Simula dekada 1990 hanggang sa kasalukuyan, nagkaroon ng kalat-kalat na paggalaw upang muling isulong ang open source software at sa mga pinsalang dulot nito. Tingnan at naturang galaw ito ng open source kay Maracke. ↩
-
Una kong natunghayan ang paggamit ng mga QR code sa malikhaing pagsulat na akda ni DJ Ellamil na “Isang Fictokritikal na Pagsipat sa Representasyon ng Kalikasan sa Panitikan” na kaniyang iprinisenta sa 20th Ateneo National Writers Workshop noong 2023. ↩
-
Galing sa pilosopong Aleman na si Martin Heidegger ang konsepto ng Geworfenheit. Ayon kay Richardson, ang pinakaakmang salin nito sa Ingles ay “thrownness” o “pagkakatapon” (37). Ang Geworfenheit ay nagdiriin sa tila pagiging arbitraryo ng lugar at panahon kung saan at kailan natagpuan sino man umiiral at kaniyang sarili. Hindi ito pinili ng isa pamilya, kultura, o bansang kinamulatan niya kaya para siyang “itinapon” dito. Kabalintunaan man kung isipin, kawalan ng kalayaan ng isa na piliin kailan kung saan natagpuan siya iiral at siya ring magbibigay sa kaniya ng kalayaang itakda ang kaniyang kapalaran. (Dahlstrom 212–215). ↩
-
Ginagamit ko ang salitang relihiyon sa liberal na pang-unawa rito bilang isang pananaw na namuhay ayon sa ilang prinsipyong itinalaga saan sila galing. Madalas ginagamit ang salitang Latin na religio ay hindi tumutukoy sa grupo. Subalit, ang orihinal na salitang Latin na religio ay hindi tumutukoy sa grupo. Bagkus, ito’y nangahulugang pagiging maingat, matapat, o debotado ng isang indibidwal sa ano man, hindi lamang sa mga diyos (Schilbrack). Sa kasalukuyan, pinag-aaralan at kinikilingan ang pananaw ng teologong si Shin’ichirō Imaoka (1881–1988) na tinawag niyang jiyū shūkyō (自由宗教) na madalas isinasalin sa Ingles bilang “free religion” o “free, creative spirituality” bilang pundasyon ng muli kong pagbuo sa sarili kong konsepto ng relihiyon. ↩
-
Ginagamit ko ang salitang “ilang” (wilderness) upang tukuyin ang mga dakong hindi ko pa nalalakaran. Ilang din ang tawag ko sa lahat ng kaisipang hindi ko pa naiisip. Inspirado ako ng pilosopong si Henry Bugbee (1915–1999) lalo na sa libro niyang The Inward Morning (1999) sa paggamit ng salitang ito. ↩
-
Open source software din ang Obsidian kaya libre itong mada-download sa https://obsidian.md. ↩
-
Bidirectional linking ang tawag sa function ng Obsidian kung saan ang dalawang tala ay pinag-uugnay gamit ang hyperlink na nasa bawat tala. Sa pamamagitan ng bidirectional linking, madaling magbabalik-balik sa pagitan ng dalawang magkaugnay na tala. Samantala, ang embed function ng Obsidian ay nagpapahintulot sa gumagamit nito na maglagay ng sipi mula sa isang tala patungo sa isa pang tala nang hindi gumagamit ng copy-paste. ↩
-
Sa computer science, ang metadata ay datos na nagbibigay-kahulugan sa ibang datos. Sa Obsidian, inilalagay ang metadata sa simula ng bawat tala na nakapaloob sa dalawang linya ng tatlong gitling (---). Sa aking Talahardin, nilagyan ko ang aking mga tala ng metadata tulad ng pamagat, petsa, at mga tag (halimbawa: seeds, seedlings, at evergreens). Tingnan ang Larawan 3 para sa format ng metadata sa Talahardin. ↩
-
Ang website kong vinceimbat.com ay ang Talahardin mismo na naisapubliko lamang. Hindi ito isang blog. Sa halip, puno ito ng mga hindi tapos na mga sulatin. Gumamit ako ng isang open source software na tinatawag na Quartz na nilikha at patuloy na pinananatili ni Jacky Zhao at ng nagsiglang komunidad ng mga user nito. Upang malaman kung paano ito gamitin, pumunta sa quartz.jzhao.xyz. Puwede rin namang gamitin ang Quartz sa loob ng Obsidian mismo. ↩
-
Halimbawa, tingnan ang website ni Andy Matuschak, isang kilalang mananaliksik sa larangan ng “tools for thought”: notes.andymatuschak.org. ↩
-
Para sa isang halimbawa kung paano iserialize ang isang libro, pumunta sa https://ffeathers.wordpress.com/2017/07/29/publishing-a-book-online-in-serial-form/. ↩
-
Para sa isang halimbawa, tingnan ang membership website ni Craig Mod sa https://craigmod.com/membership/. ↩
-
Tingnan ang Patreon page ni Samar sa https://www.patreon.com/ecsamar. ↩
-
Habang isinusulat ko ito, may higit pitong libong miyembro ang Facebook group na Kindle E-reader Philippines. ↩
-
Nilikha ang mapang ito gamit ang OpenStreetMap ayon sa kanilang copyright notice na mababasa sa https://www.openstreetmap.org/copyright. Ang datos sa mapa ay ginamit ayon sa Open Database License na mababasa sa https://opendatacommons.org/licenses/odbl/1-0. ↩