Gusto ko maging tahimik kasama ka
Nakaupo sa damuhan
Nakatingin sa kawalan
Tahimik lang
Kasama ka

Pinagmamasdan ang tuktok ng Kordilyera
Pinagmamasdan ang langit na lila
Doon
Nakaupo
Tahimik lang
Kasama ka

Pagkat parati akong mag-isa
Tahimik lang
Walang kasama
At narinig ko na
Ang lahat ng tunog
Na nanggagaling sa aking sarili

Naguumapaw sila
Sa katahimikan
Pagkat ako’y nakaupo
Sa damuhan
Na pinaliguan
Ng dayami

Mag-isa
Tahimik
Nakatulala

Bumibilang ng hininga
At ngayon handa na akong
Tawagin ka
Sa tabi ko
At magkasama na tayong
Titingin sa kawalan

Dahil gusto kong sumandal sayo
Habang tanaw ang mundo
Dito
Tahimik lang
Kasama ka