Kanina
sa estasyon ng jeep
mahaba ang pila
ng mga uuwi
sa Semana Santa.1

Ngayon
habang nakadungaw
sa labas ng bintana
rinig na rinig ko ang pag-awit
ng Imam sa moske.2

Mamaya
paglabas ko ng pinto
muli akong babatiin
ng nakaputing salawal
na kapitbahay kong Mormon.

At bukas
malamang makatatanggap ako
ng mensahe mula sa kung sinong
kamag-anak na hihiling sa’king
manumbalik sa panginoon.

Lahat sila’y pauwi
sa langit o sa paraiso
habang ako’y naglalakad paalis
papunta sa malayong-malayo
at hinding-hindi na’ko babalik.

Footnotes

  1. Manila South Road

  2. Mavina Apartment