Kapag naglalakad ako
gustong-gusto ko
ang pangingiliti ng hangin
sa mga buhok ko sa binti
ang paminsan-minsang paglusot
ng maliit na bato
sa pagitan ng talampakan ko’t
sandalyas at ang pagtigil ko sandali
sa waiting shed upang dukutin ito
sa tabi ng estudyanteng pumapara
sa parating na jeep.
Sandali akong hindi hihinga.
Hindi dahil sa ibinugang usok
ng tambutsyo kundi
dahil napatitig ako sa aking mga paa
at Apo Amida—
Namu Amida Butsu!