Madaling magsimula ng negosyo rito. Madaling magbukas ng puwesto. Pero napansin ko, mabilis ding malugi. Mabilis ding magsara. Noong unang taon ko rito, sarado ang restaurant na kilalang naghahain ng pinakamasarap na manok sa buong bayan—isa sa mga negosyong napilitang magsara noong pandemya. Matagal ko ring inabangan ang muli nitong pagbubukas hanggang sa mapadaan na lang isang araw, tuluyan nang binaklas ang malaking bilog na logo nito sa harapan. Pinalitan ito ng tindahan ng mga gulay na hindi ginagamitan ng pesticide. Palibhasa mas mahal ang mga gulay na ito, hindi nakasabay sa mas murang mga inaangkat mula sa probinsya. Nang maglaon, napilitang magbago ng business plan ang tindahan. Nanatili ang pangalan nito, pero naging Japanese restaurant na. Nakapag-date rin kami doon nang ilang beses. Nadala doon ang mga malalapit na kaibigan. Natanggap ang ilang magagandang balita habang kumakain doon ng takoyaki. Pero nitong huli, nagsara rin ang kainan at naging bentahan at repair shop na ito ng bisikleta.
Hindi nag-iisa ang lumang gusaling iyon sa mga tulad nitong mabilis maghubad at magpalit ng balat sa bayan. Sa Pili Drive, katatayo lang ng bagong pasilidad para sa pagsusuri. Baka ipagbawal na rin kalaunan ang paglalakad doon. Ang ilang dating bakanteng lote sa Umali, dorm na. Kasalukuyan nang binabaklas ang ilang harang sa Lopez Ave., mitsa ng malamang road-widening at pagkawala ng makikitid na sidewalk.
May mga hindi natin nararamdamang ipinagkakait sa atin ang pagsulong. Nag-iiwan ng mga multong sumususon sa susunod at sa susunod pang mawawala.