Sa pagitan ng mga binti ko
naghihingalo na si Cari
ang balahibo niyang mga pulo
ng kahel at itim sa puting karagatan,
nasakop na ng kung anong pulang armada.
“Ang pusa! Mamamatay ang pusa!”
Sa baba naulinigan ko ang boses ni bunso
kausap ang aming ama, marahil nagtatanong
kung anong sakit ang tumama sa pusa.
Pagsampa ko sa dalampasigan ng umaga
sulimpat pa ang mga matang nasisinag
sa alas otso, ang pusa nadatnan ko
sa pagitan pa rin ng mga binti ko
nakatingin sa akin, pumipikit-pikit.
Habang ako, pilit kinukumbinsi ang sarili
na nasa Los Baños ako, hindi Santa Maria,
at anim na taon na’kong hindi dinadalaw
ni bunso at ni Papa.