Ako ang amihang humihele
sa pumipikit na makahiya
sa pilapil sa aming alog
tuwing Disyembre.

Ako ang asim ng kamias
sa sinigang ni Mama
na gumigising sa ulirat
sa unang higop ng sabaw.

Ako ang upuan sa kanang dingding
ng Bo’s Coffee sa Calamba
pagdating ng gitna ng linggo
at kabubukas lang ng pinto.

Ako ang naglalarong mga anino
ng mga dating kaibigang
iniwan ko sa Baguio
nang hindi nagpapaalam.