Sa Pilipinas, ang ateo ay madalas against sa relihiyon. Militante ang ateismo at maraming Pilipinong ateo ang nagnanais na mabura ang relihiyon. Subalit hindi lahat ng hindi naniniwala sa nakagawiang monoteistang Diyos ng Kristiyanismo, Hudaismo, at Islam ay nagnanais mawala ang relihiyon. Maraming ateo ang nakauunawa sa ginagampanan ng relihiyon sa lipunan. Marami rin sa kanila ang relihyoso mismo. Kung kaya, kinakailangan ng panibagong tawag upang iiba sila sa dominanteng ateong Pilipino. Maaring gamitin ang “hindi teista” para tukuyin sila.

Ang primer na ito ay hindi tatalakay sa debate tungkol sa pag-iral ng isang monoteistang Diyos. Ito ay tatalakay lamang sa argumento para sa isang teistang pananampalataya. Ang pangunahing tesis nito ay ito: posible paring maging malalim na relihiyoso ang isang hindi teistang Pilipino.

Mga Hinagap

  1. Ang sinaunang paniniwalang Pilipino ay hindi rin naman teista sa Kanluranin at Kristiyanong pananaw. Polyteista ang marami sa mga sinaunang Pilipino bagaman may isang makapangyarihang Diyos sa kanilang panteon. Ang mayamang nakaraan ng pananampalatayang Pilipino ay maaring maging bukal ng isang modernong hindi teistang pananampalataya.
  2. Ang isang hindi teistang nais maging relihiyoso ay kinakailangang yumakap sa mas malayang mga pamamaraan ng paghubog at pagpapahayag ng pananampalataya. Halimbawa, kailangan niyang maging bukas sa bagong mga pagpapakahulugan sa mga bagay, ritwal, doktrina, o kaugalihang relihiyoso na nakagisnan niya. May dalawang dahilan ito. Una, kailangan niyang humiram ng mga salita o konseptong relihyoso at spirituwal upang buuin ang kaniyang pananampalataya. Pangalawa, marami sa mga tradisyonal na pagpapakahulugan sa mga hihiramin niyang salita at konsepto ay nakaangkla pa rin sa teistang pananaw. Kaya kailangan niyang palawakin ang interpretasyon sa mga ito. Kailangan niyang yakapin niya ang isang malayang pananampalataya.
  3. Teista man o hindi, ang isang relihyosong buhay ay parating humihingi ng patutunguhan ng debosyon. Ang isang hindi teistang relihyoso ay magpapasya kung ano itong patutunguhang ito. Dahil hindi na ang Diyos ng KJI o ang mga diyos ng ibang mga pananampalataya ang magiging patutunguhan niya, kailangan niyang pagmunihan kung ano ang hahalili. Ang ilang alternatibo: isang bokasyon, ang lipunan o bayan, ang sansinukob, ang Buhay (pangkalahatang buhay ng lahat ng umiiral), o ang proseso ng buhay at ebolusyon (postmodernong pananaw na lumalayo sa solidong mga “bagay” bilang tunguhin ng debosyon).