Bago ko siya makilala, akala ko lahat ng batang 90s nanood ng anime sa GMA pagkauwi galing eskwelahan, nagabang sa Pokemon sa TV tuwing Biyernes ng gabi, pumapak ng Muncher habang lumalagok ng Sarsi, at ngumuya ng nougat panghimagas. Kapag naglalakad kami, palihim ko siyang hinuhusgahan tuwing nagkukuwento siyang si Oprah raw ang idol niya habang lumalaki. Hindi ko kaagad sinasabing hindi ko kilala ang artistang gumanap sa pelikulang paborito niyang panoorin noong bata siya. At nagpipigil ako ng tawa tuwing nilalait niya ang shawarma ng Turks. Nang maglaon, lahat ng ito nasabi ko rin sa kaniya.
Ang hindi ko pa nasasabi, kinikilig ako tuwing naiisip na habang nakatambay ako sa kwarto at naglalaro ng Gameboy noong Grade 1, may cute na bata sa Gitnang Silangang nagpapakitang-gilas sa sala ng maliit nilang apartment, sinasagot ng matatas na Ingles ang mga Arabong bisita ng kaniyang ama.