Ang paglalakad habang umuulan ay may sarili ring timpla
mas mabilis ang agos ng tubig kapag mapaparaan ka sa batis
kasabay ng koro ng mga palakang nakarating na sa langit.
Kung nakapayong ka susundan ka
ng tunog ng maliliit na patak ng ulan
habang tumatalsik ang putik sa likod ng iyong binti.
At kapag dumaan ang malakas na hangin
na tatangay sa payong mo
hayaan mong maghabulan ang hangin at ang payong.
May panibago kang tungkuling hindi makapagaantay
ang magpakalunod sa kalayaang
sa paglalakad lamang sa ilalim ng ulan matitikman.