Vince Imbat

Pakete

Jan 30, 2023

May nakatabi akong aleng pagkaingay-ingay sa bus. May kausap sa telepono. Umoorder ng kinseng pakete ng Marlboro, pitong pakete ng Jumbo, at Tide. Basta Tide lang daw.

Pagkatapos umorder kinuwento niya sa kausap kung paano siya nagising ng maaga. Nagpainit ng tubig. Naligo. Naglipstick. Naglipstick ng bigay ni kuwan. Nagsuot ng bistidang nasungkit niya sa ukay.

At ayaw magpahuli ng boses niya sa ingay ng makina ng bus. Nakipaghabulan. Ayaw umawat.

Palakas nang palakas nang palakas kaya hindi ko inaasahang bigla siyang kumambyo,

“Ay, tatawag nalang ako mamaya malolowbat na itong internet ko!”